P-BBM, dadalo sa UN General Assembly… VP Sara, OIC uli ng bansa – Malacañang
ni Lolet Abania | September 18, 2022

Si Vice President Sara Duterte ang hahalili o caretaker uli sa bansa kasunod ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa New York para dumalo sa 77th United Nations General Assembly (UNGA).
Ito ang kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ngayong Linggo.
Ikalawang pagkakataon na ito ni VP Sara na mai-designate bilang officer-in-charge ng bansa. Ang una ay noong state visits ni Pangulong Marcos sa Indonesia at Singapore noong Setyembre 4 hanggang 7, 2022.
Nang panahong iyon, pinulong ni VP Sara ang mga heads ng security sector upang talakayin kung paano mapanatili ang peace and order sa bansa habang wala si P-BBM.
Samantala, lumipad si Pangulong Marcos patungong United States ng alas-8:00 ng umaga ngayong Linggo, Setyembre 18, at babalik sa Pilipinas sa Setyembre 24.
Sa kanyang departure speech, sinabi ng Chief Executive na tatalakayin niya sa UNGA ang layon ng kanyang administrasyon para sa economic recovery, food security, at agricultural productivity.
Nakatakdang i-deliver ni Pangulong Marcos ang pambansang pahayag o national statement sa UN sa Setyembre 20, at inaasahan na rin na ma-meet niya si UN Secretary-General António Guterres at iba pang key leaders sa kanyang pagbisita sa US.





Comments