P-BBM at Rep. Sandro, nagpa-second booster shot na
ni Lolet Abania | August 17, 2022

Tinanggap na nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at anak na si Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos ang kanilang second booster shots kontra-COVID-19 ngayong Miyerkules.
Ang kanilang booster shots ay in-administer sa isang mall sa Manila City kasabay ng “PinasLakas” vaccination campaign ng Pangulo sa lungsod.
Si Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Dr. Maria Rosario Vergeire ang nag-administer ng Pfizer COVID-19 booster vaccine kay Pangulong Marcos, habang si Manila Mayor Dr. Honey Lacuna naman gamit din ang Pfizer vaccine kay Rep. Sandro.
Sa isang interview ng mga reporters, sinabi ng Pangulo na maayos ang kanyang pakiramdam at wala siyang naramdamang anuman matapos na maturukan ng second booster dose.
“Wala naman so far. Hindi naman sumakit ‘yung braso ko. So I feel fine,” pahayag ng Punong Ehekutibo.
Matatandaan na dalawang beses na tinamaan ng COVID-19 si Pangulong Marcos. Una rito, noong Marso 2020 habang ang ikalawa ay noong Hulyo ngayon lamang taon.
Una nang sinabi ng Pangulo na kung hindi siya kumpletong nabakunahan at tumanggap ng booster shot laban sa COVID-19, ang kanyang naging impeksyon kamakailan ay posibleng mas malala.
Patuloy namang hinihimok ni Pangulong Marcos ang publiko na tanggapin na ang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.
Nanawagan din siya sa mga local officials na suportahan ang booster campaign ng administrasyon upang ang nalalapit na face-to-face classes ay ligtas na maipagpatuloy at para na rin ang ekonomiya ng bansa ay makarekober fully mula sa health crisis.





Comments