Overpriced na ang facemask at face shield, pati per dose ng Sinovac, tinangka pang i-overpriced
- BULGAR
- Sep 4, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 04, 2021
IMBESTIGASYON NG SENADO, PATUNGO NA SA “P-DUTERTE-DUQUE-LAO-MICHAEL YANG-PHRAMALLY CONNECTIONS”—Umuusok sa galit si P-Duterte sa mga senador na nag-iimbestiga sa ibinulgar ng COA (Commission on Audit) tungkol sa overpriced na pagbili ni former PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management) chief, Atty. Christopher Lloyd Lao ng mga medical supplies, kabilang ang facemask at face shield.
Magagalit talaga ang pangulo kasi ang imbestigasyon sa katiwaliang ‘to ay tila patungo sa “P-Duterte-Sec. Duque-Lao-Michael Yang-Phramally Inc. connections.”
Hindi maiiwasang sa koneksiyong ito tumungo ang imbestigasyon kasi si P-Duterte na rin ang nagsabing siya ang nag-utos kay Health Sec. Francisco Duque III na ang P42-bilyong pondo ng Department of Health (DOH) ay ibigay kay Lao sa PS-DBM, na ang ginawa naman ay kinontrata ang Phramally Inc. sa pagbili ng medical supplies, tapos ang kaibigan ng pangulo, na si Michael Yang ay may konek pala sa kumpanyang ito na peke ang address, at ang ilan sa mga may-ari nito ay wanted sa kasong fraud sa Taiwan.
Sa mga isyung ‘to, may dahilan talaga si P-Duterte na magalit sa mga senador, boom!
◘◘◘
SINO ANG NASA LIKOD NG TANGKANG OVERPRICED PER DOSE NG SINOVAC VACCINE?—Dahil sa overpriced na pagbili ng gobyerno sa medical supplies ang iniimbestigahan ng Senado, dapat sa next hearing ay buhayin ulit ng mga senador ang pagkuwestiyon kina Sec. Duque at Vaccine Czar Carlito Galvez sa tangkang pag-overpriced nila ng P3, 629.50 sa presyo ng kada dose ng Sinovac, na ang totoong presyo lang pala ay P680 per-dose.
Ang palusot lang kasi ni Sec. Duque ay sa Google lang nila nalaman ang presyo, kaya P3,629.50 ang isinumite nilang presyo ng Sinovac sa Senado.
Dapat dikdikin nang husto ng mga senador sina Duque at Galvez, at baka sakaling matuklasan na hindi sa Google na-search ang presyo, kundi may taong nagpa-overpriced sa kada-dose ng Sinovac, period!
◘◘◘
IMBES NA KONTRATA SA GOBYERNO ANG IPASOK NG PHRAMALLY ANG IPA-AUDIT, RED CROSS ANG IPAPA-AUDIT NI P-DUTERTE—Sabi ni P-Duterte, ipapa-audit niya sa COA ang mga transaksiyong pinasok sa gobyerno ng Philippine Red Cross (PRC) na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.
Hay naku, imbes na ang mga pinasok na transaksiyon sa gobyerno ng Phramally Inc. ang ipa-audit, ang napag-iinitan ng pangulo ay ang red cross na malaki ang naitulong sa laban sa COVID-19, period!





Comments