top of page
Search
  • BULGAR

Oras at ruta ng VIP, i-announce para ready ang mga motorista

ni Ryan Sison @Boses | October 10, 2023


Iba pala talaga kapag mga very important person (VIP) ang daraan at gagamit ng ating mga lansangan.


Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, normal lamang ang magbigay ng kortesiya ang mga pulis at traffic enforcer sa mga matataas na opisyal ng gobyerno na itinuturing na VIP sa mga pampublikong kalsada.

Paliwanag ni Artes, karaniwang ibinibigay ang kortesiya sa mga lansangan sa Presidente at Bise Presidente bunsod ito ng security concerns.


Ganito rin ang pagtrato na natatanggap ng mga foreign dignitaries gaya ng heads of state ng ibang bansa, at maging sa mga opisyal ng International Basketball Federation na dumalo nitong nakaraang August hanggang September, kung saan host ang Pilipinas sa FIBA World Cup.


Nilinaw naman niya na seguridad at kaligtasan ang pangunahing dahilan, at hindi dapat isiping pribilehiyo o karapatan ang pagbibigay kortesiya sa kalsada ng mga nabanggit na indibidwal.


Habang aniya, nakadepende pa rin sa sitwasyon ang biglaang paghawi ng trapiko para sa VIPs at walang ispesipikong panuntunan para rito.


Maganda ang layunin ng kagawaran na mabigyan ng kaukulang kortesiya ang mga tinatawag na VIP sa ating mga lansangan.


Tama naman na dapat tiyakin ng mga awtoridad ang kanilang seguridad habang binabagtas nila ang mga kalsada patungo sa kanilang pupuntahan.


Gayundin, kailangan silang unahin dahil maaaring mahalaga ang kanilang pupuntahan at hindi dito dapat na maantala.


Subalit, kung sa pagdaan ng mga itinuturing na VIP ay magdudulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko, iisipin ng publiko na mas mabuti pang hindi na ito dumaan dahil nagbigay lamang sa kanila ng abala at matinding perhuwisyo.


Dapat sigurong ikonsidera ng isang VIP ang kanyang gagawin at magtakda ng tamang oras kung daraan sa mga kalsada na hindi magbibigay ng higit na abala sa publiko.


Sa kinauukulan, maglagay din sana kayo ng anunsyo sa mga lansangan sakali mang may paparating o daraan na VIP upang ang mga motorista ay makahanap ng alternatibong ruta at hindi na masabak pa sa bigat ng trapiko sa kalsada.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page