top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Oportunidad sa ‘Pinas, dagdagan para walang napipilitang mag-abroad

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 27, 2024
2 min read

by Info @Editorial | June 27, 2024



Editorial


Inalis na ng gobyerno ng Kuwaiti ang ban sa pagkuha ng overseas Filipino workers (OFWs) matapos ang isang taon bunga ng sigalot kasunod ng brutal na pagpatay sa Pinay domestic helper na si Jullebee Ranara noong nakaraang taon.


Gayunman, sa kabila ng naturang hakbang ng Kuwait, inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na hindi pa rin nila papayagan na magpadala ng first-time domestic helper sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.


Ipatutupad umano ang naturang patakaran sa kalagitnaan ng Hulyo. Matatandaang buwan ng Mayo noong nakaraang taon nang suspendihin ng Kuwait ang pagbibigay ng mga bagong visa para sa Pinoy matapos ang nangyaring pagpatay kay Ranara.


Enero 2023 nang makita sa disyerto sa Kuwait ang sunog na bangkay ni Ranara, na ginahasa, nabuntis, at sinagasaan ng anak ng kanyang amo na menor-de-edad. Dahil sa naturang krimen, itinigil ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga first-time worker sa Kuwait.


Nitong September 2023, hinatulan ng korte sa Kuwait na makulong ng 15 taon ang menor-de-edad na akusado sa pagpatay kay Ranara.


Samantala, sa pagpapadala ng skilled workers, sinabi ng DMW na nangangailangan ang Kuwait ng mga manggagawa para sa construction, hospitality, retail, healthcare, education sectors, at iba pa.


Tiniyak naman na may nakalatag na sistema para protektahan ang mga OFW. Tulad ng pagkakaroon ng mga whitelist at blacklist ng mga recruitment agencies, pagkakaroon ng welfare officers sa mga recruitment agencies na tutulong sa mga OFW nilang ni-recruit na nagkakaproblema at ang electronic means ng pagtanggap ng sahod at pag-collect ng sahod.


Hihilingin din sa Kuwait na payagan ang mga domestic helper na ligtas na makalipat sa ibang employer. Ipapakiusap na hindi dapat nakapirmi o nakatali ang Pinoy sa isang employer lamang lalo kung sapilitan na ang paglilingkod.


Ito rin umano ang dahilan kaya dapat na may karanasan na sa pag-a-abroad ang magiging domestic helper sa Kuwait, para bihasa na sa mga ganitong sitwasyon.


Nakapanlulumo ‘pag may nababalitaan tayong kapwa Pinoy na inaabuso sa ibang bansa. Napakahirap isipin kung gaano nila hinaharap ang pagsubok habang malayo sa kanilang mahal sa buhay.


Kaya umaasa tayo na matupad na ang matagal nang sinasabi ng ating gobyerno, ang wala nang Pinoy na napipilitang magtrabaho abroad.


Mas madagdagan pa sana ang trabaho o oportunidad sa paghahanapbuhay sa ating bansa para hindi na umaalis at nakikipagsapalaran sa malalayong lugar.


Sa ngayon, habang wala pa tayong kakayahan sa pagbibigay ng maayos na trabaho at pasahod para sa lahat, sikapin na lang na mabantayan ang ating mga kababayang nagtatrabaho abroad. Tiyaking nakakamit nila ang mga kanilang mga karapatan at hindi nagbubuwis-buhay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page