Oplan Katok kontra krimen

by Info @Editorial | Jan. 30, 2025

Kasabay ng paghahanda para sa maayos at mapayapang halalan, napag-uusapan ngayon ang Oplan Katok ng Philippine National Police (PNP).
Bago pa man umarangkada ang election period ay nagsisimula na ang Oplan Katok ng PNP. Layon nitong paalalahanan ang mga indibidwal sa renewal ng mga papeles ng kanilang mga armas.
Kaugnay nito, sinabi ng PNP na hindi na nila kailangang humingi ng permiso mula sa Commission on Elections (Comelec) sa pagpapatupad nito. Ito’y matapos na magpahayag ng hindi pagpabor ng pamunuan ng poll body sa Oplan Katok dahil sa pangambang baka magamit ito sa pangha-harass ng mga pulis.
Kaya nilinaw ng pulisya na hindi basta-basta mga botante kundi mga indibidwal na mayroong pasong rehistro at lisensya ng baril ang subject ng Oplan Katok.
Sa datos ng PNP, nasa higit 621K licensed gun holder na umano ang napadalhan ng notice ng PNP habang aabot naman sa higit 300K na mga pasong baril ang na-revoke.
Ang Oplan Katok ay isang halimbawa ng magandang layunin na maaari ring magdulot ng panganib sa mga pangunahing karapatan ng mamamayan.
Dapat na magpatuloy ang mga ahensya ng gobyerno sa pagtiyak na ang kanilang mga hakbang ay hindi nakakasagasa sa mga karapatang pantao at nakasisiguro na ang mga operasyon ay isinagawa ayon sa mga legal na proseso.
Sa mga pagkakataong ito, ang kooperasyon ng mga mamamayan at mga pulis ay mahalaga upang magtagumpay ang layunin ng programa.



Comments