top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

‘Oplan Baklas’ sa campaign posters na wala sa lugar

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 11, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | February 11, 2022



Pormal nang nagsimula ang kampanya para sa mga kandidato ng national positions noong Pebrero 8, Martes.


Kasabay nito, sinimulan din ng Philippine National Police (PNP) ang ‘Oplan Baklas’ sa malalaking campaign posters na labag sa ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec).


Nagsimula na umanong mag-ikot ang mga pulis sa pakikipag-ugnayan sa local Comelec officers upang suyurin ang mga lugar na napaulat na may ilegal na nakapaskil na campaign posters.


Kaya naman, apela ng opisyal ng PNP sa mga kandidato at kanilang supporter, sundin ang common poster areas upang mas maging maayos at malinis ang pangangampanya.


Binigyang-diin ng opisyal na maituturing na election offense ang pagpapaskil ng campaign materials sa mga ipinagbabawal na lugar, lalo na sa mga kawad ng kuryente dahil posibleng pagmulan ito ng sunog. Kaya naman, hindi rin umano magdadalawang-isip ang pulisya na arestuhin ang matitiyempuhan na nagkakabit ng posters sa mga bawal na lugar.


Tuwing eleksiyon, normal nang senaryo ang sandamakmak na campaign posters sa mga pampublikong lugar. ‘Yung nga lang, minsan ‘yung iba ay sumusobra na. Bagay na nagiging dahilan ng paglabag at ang masaklap, nagiging sanhi pa ng panibagong problema.


Sa mga nagdaang halalan, hindi maitatangging naglipana ang campaign posters sa mga poste, kable ng kuryente at telephone services, sa kabila ng regulasyon ng Comelec.


Kaya sa pagkakataong ito, dapat mas maingat na tayo at dapat isipin ng mga kandidato at supporters ang kaligtasan ng lahat.


Tandaan, ang layunin ng kampanya ay ipakilala at kilalanin ang mga kandidato sa nasyonal o lokal na posisyon at sapat na ang itinakdang panuntunan ng Comelec para magawa ito.


Kaya ‘pag sinabing bawal, ‘wag nang pasaway dahil ‘pag binaklas ‘yan, itatapon lang.


Hindi na napakinabangan, nakadagdag pa sa sandamakmak nating basura.


Tiyakin nating magigng maayos at mapayapa ang panahon ng kampanya para iwas-aberya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page