Opisyal man o ordinaryong mamamayan, walang exemption sa health protocols!
ni Ryan Sison - @Boses | March 14, 2021
Kapulisan ang isa sa madalas magpaalala sa taumbayan na sumunod sa mga umiiral na health protocols sa lahat ng pagkakataon at saanman pumunta.
Kaya bilang alagad ng batas, inaasahan ng taumbayan na manguna sa pagsunod sa minimum health standards ang kapulisan, ngunit paano kung ang naturingang lider ay isa sa mga dedma sa health protocols?
Kaugnay nito, matapos magpositibo sa COVID-19, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro na hindi sumunod sa health screening protocols si Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas nang magtungo sa probinsiya noong Huwebes.
Ayon sa provincial government ng Oriental Mindoro, hindi dumaan sa pier ng Calapan si Sinas at hindi rin sumailalim sa profiling. Dumating umano ang opisyal sakay ng helicopter at dumiretso sa police regional headquarters sa Calapan City.
Nakadidismaya dahil hindi pa nawawala ang galit ng taumbayan dahil sa paglabag ng naturang opisyal sa health protocols noong 2020 dahil sa birthday party, heto ay may panibago na namang atraso.
Isa pa, nakalulungkot dahil todo-sisi tayo sa mamamayan na kesyo pasaway, pero mismong alagad ng batas ang sumusuway sa mga kautusan.
Kung ganito ang tatatak na imahe ng kapulisan sa publiko, kanino na lang magtitiwala ang taumbayan?
Kaya panawagan natin sa mga kinauukulan, maging patas tayo sa lahat — opisyal man ng gobyerno o ordinaryong mamamayan, dapat walang exemption!
Panindigan n’yo ang mga paghihigpit na ginagawa, hindi ‘yung ‘pag may mataas na posisyon sa gobyerno, larga lang nang larga.
Sa halip na magpasaway, maging ehemplo kayo sa taumbayan. Patunayan ninyong karapat-dapat kayong magsilbi sa publiko, lalo na ngayong nahaharap tayo sa pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments