top of page

Opinyon ng mga eksperto, ‘wag isnabin

  • BULGAR
  • Mar 13, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 13, 2022


Hindi pa handa ang Pilipinas na mailagay sa Alert Level 0.


Ito ang sinabi ng isang infectious disease expert kaugnay sa pag-aaral sa posibilidad na ibaba pa sa Alert Level 0 status ang bansa kung magpapatuloy pa ang pagbaba ng daily COVID-19 cases.


Paliwanag ng eksperto, mismong World Health Organization (WHO) ang nagsabi na walang bansa na dapat maiwan sa pagluluwag, gayung may mga bansa na mataas pa rin ang bilang ng COVID-19 cases.


Giit pa nito, matapos magluwag ng pamahalaan sa mobility restrictions, bumaba naman ang bilang ng mga indibidwal na sumasailalim sa tests. Ibig sabihin aniya, mayroong COVID-19 cases na hindi na nakukumpirma dahil hindi na nasusuri sa pamamagitan ng confirmatory tests.


Habang pinag-aaralan pa ng mga eksperto at gobyerno, sana’y maging mas maingat tayo.


Nauunawaan nating nais nang maibalik sa normal ang ating pamumuhay, pero pakiusap sa mga kinauukulan, hinay-hinay lang sa pagluluwag dahil marami pang dapat bantayan at pag-aralan. Kabilang na r’yan ang mga sitwasyon sa pagamutan. Kung magkakaroon ng COVID-19 surge, gaano tayo ka-tiyak na kakayanin ng health work force ang sitwasyon?


Hindi naman tayo nagiging nega, nais lang nating makasigurado na wala tayong magiging maling desisyon, lalo pa’t unti-unti na tayong nakakabawi makalipas ang halos dalawang taon.


Kaya ang suhestiyon natin, obserbahan muna nang maigi ang mga pagbabagong dulot ng pagpapatupad ng Alert Level 1 kahit wala pang nakikitang pagtaas ng bilang ng COVID-19 sa mga lugar kung saan ito umiiral.


Isa pang pakiusap, ‘wag nating isnabin ang opinyon ng mga eksperto. Sila ang katuwang natin upang patuloy na labanan ang pandemyang ito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page