Online sugal, lason sa isip at kinabukasan ng kabataan
- BULGAR

- 9 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | February 18, 2026

Dumarami ang kabataang nalululong sa online sugal.
Sa pamamagitan ng cellphone, madali silang nakakapasok sa mga site. Ilang pindot lang, puwede nang tumaya. Ganito kabilis at kadelikado ang sitwasyon.
Hindi ito simpleng libangan. Kapag nasanay ang kabataan sa pagsusugal, nasisira ang kanilang pag-aaral, nauubos ang baon, at minsan ay nauuwi pa sa pagsisinungaling o pagnanakaw para may maipangtaya.
Kapag natatalo, gusto nilang bumawi. Kapag nananalo, lalo silang nahihikayat. Paulit-ulit ang siklo hanggang tuluyan silang malulong.
Malaki ang epekto nito sa kanilang kinabukasan. Sa halip na magpokus sa pag-aaral at pagbuo ng pangarap, nauubos ang oras at pera sa pag-asang madaling kikita.
Nagdudulot din ito ng stress, anxiety, at problema sa pamilya.
Hindi lang kabataan ang may pananagutan. Dapat higpitan ng pamahalaan ang regulasyon sa online sugal.
Dapat ding maging mapagmatyag ang mga magulang at guro. Kailangan ng malinaw na edukasyon tungkol sa panganib ng pagsusugal at wastong paggamit ng internet.
Ang online sugal ay hindi solusyon sa kahirapan o problema sa pera. Isa itong bitag.
Kung hindi kikilos ngayon, mas maraming kabataan ang masisira ang kinabukasan.






Comments