Online sabong out, online sakla in!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 27, 2022
ONLINE SAKLA, PALIT SA ONLINE SABONG – Bawal na ang online sabong, kaya lang may ipinalit dito ang mga gambling lords, at ito ay ang online sakla.
Pagdating talaga sa panraraket sa mamamayan, hindi mauubusan ng diskarte ang mga gambling lords, buset!
◘◘◘
HANGGA'T HINDI PA NAGIGING ADIK SA ONLINE SAKLA ANG MAMAMAYANG PINOY, DAPAT IPATIGIL NA NG GOV'T. ANG PASUGALANG ITO – Ang tanong: May permiso ba ng Duterte gov't. ang operasyon ng online sakla?
Kung wala, aba dapat ipatigil na rin 'yan bago pa mangyari na maging adik din sa online sakla ang mga sugarol, period!
◘◘◘
BIGO SI P-DUTERTE SA PAGPUKSA SA PERYA NG BAYAN CON JUETENG – Hindi pa rin tumitigil ang operasyon ng mga perya ng bayan con jueteng sa Cavite, Rizal, Pangasinan at Aklan.
Isa ang pasugalang 'yan na nabigo si P-Duterte na ipa-stop.
Nasabi nating bigo, kasi noong August 5, 2019 pa ipinag-utos ni P-Duterte sa Philippine National Police (PNP) na ipatigil ang operasyon nito (perya ng bayan con jueteng), pero patapos na ang kanyang termino, ay tuloy pa rin ang illegal gambling na ito sa panraraket sa mamamayan, tsk!
◘◘◘
DROP BALLS, COLOR GAMES, ONLINE SAKLA AT PERYA NG BAYAN CON JUETENG DAPAT PUKSAIN NI P-BBM – Pagkatapos ng halalan, umarangkada na rin ang operasyon ng raket na drop balls at color games ni alyas Baby Panganiban sa Laguna at Batangas.
Sana, sa pagpasok ng administrasyong Marcos sa July 1, 2022 ay kabilang ang drop balls, color games, online sakla at perya ng bayan-con jueteng sa puksain ni P-BBM (Pres. Bongbong Marcos) para matigil na ang panraraket ng mga gambling lords sa sambayanang Pinoy, period!





Comments