Online sabong gambling lords, walang takot kay P-Du30
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 20, 2022
KAHIT IPINAGBAWAL NA NI P-DUTERTE, ONLINE SABONG TULOY PA RIN – Ipinagbawal na ni P-Duterte ang operasyon ng online sabong, pero nabulgar na marami pa rin gambling lord ng online sabong ang nag-o-operate.
Tila yata wala nang takot kay P-Duterte mga gambling lord kasi higit 1 month na lang siya sa Malacañang kaya kahit may utos nang ipasara mga online sabong ay ayaw sundin, nag-o-operate pa rin ang mga operator ng online sabong, boom!
◘◘◘
GEN. ANTONIO YARRA 'NGANGA' SA DROP BALLS/COLOR GAMES NI 'BABY PANGANIBAN'? – Hindi lang mga gambling lords ng online sabong ang wala nang takot kay P-Duterte ngayon, kundi pati ang drop balls/color games operator na si alyas "Baby Panganiban".
Sa kabila kasi na bawal ang drop balls at color games ay nagawa pa rin daw ni "Baby Panganiban" na mag-operate ng mga ganitong uri ng illegal gambling sa Calamba City, Sta. Rosa City sa Laguna at sa Sto. Tomas City at Lipa City, sa Batangas, at ang kataka-taka raw, ay "nganga" lang si PNP-Region 4-A Director, Gen. Antonio Yarra sa mga ganitong uri ng raket sa kanyang nasasakupan?
◘◘◘
PALPAK LIDERATO NI P-DUTERTE, HINDI GOOD – Sa latest survey ng SWS ay higit 10.9 milyong Pinoy daw ang nadagdag sa mga mahihirap na Pilipino sa bansa.
Ang gulo mag-survey ng SWS, kasi ang dalas nilang maglabas ng survey na good ang performance ni P-Duterte, tapos sa survey nila ngayon ay higit 10.9M Pilipino ang naghihirap sa ilalim ng Duterte gov't.
Dapat magpakatotoo ang SWS sa inilalabas nilang mga survey kasi kung maraming naghihirap sa Pilipinas ay ibig sabihin palpak ang liderato ni P-Duterte, at hindi good ang performance, period!
◘◘◘
KULANG NA LANG SABIHIN NI ALAN CAYETANO NA 'BBM' SUPPORTER NA RIN SIYA – Nag-iba na ang tono ni incoming Sen. Alan Cayetano patungkol kay incoming Pres. Bongbong Marcos.
Dati kasi ang dalas batikusin ni Cayetano si Alan, pero kamakalawa nag-iba na tono niya, na ayon sa kanya ay dapat daw bigyan ng pagkakataon si BBM na pamunuan ang bansa.
Kulang na lang sabihin ni Cayetano na "BBM" supporter na rin siya, boom!





Comments