Online lending company na namamahiya at nagbabanta, tuluyan!
@Editorial | December 11, 2022
Nagkalat ngayon ang mga online lending company at sa hirap ng buhay, marami tayong kababayan na kumakapit sa kanila.
Pikit-matang nangungutang kahit may processing fee at malaking tubo. Tipong hindi pa nahahawakan ang perang inuutang, bawas na.
Ang mas matindi, ma-late lang ng hulog ang umutang, kung anu-ano’ng pamamahiya at pagbabanta na ang ginagawa ng kumpanya.
Kaugnay nito, dahil na rin sa mga reklamong natatanggap ng mga awtoridad, isang online lending company ang ni-raid. At umaasa tayo na magtutuluy-tuloy ang pagsalakay hanggang sa maubos ang mga abusadong lending company.
Hindi titigil ang mga ‘yan hangga’t may nakakalusot. Gagawa at gagawa sila ng paraan para makapag-operate.
Sampolan ang mga ‘yan sa kasong grave threat, cyber libel at misuse of device. Dapat silang makulong at mapanagot sa pang-aabuso.
Sa mga empleyado naman ng mga kumpanyang ganito, huwag magpagamit. Alam natin na mali ang manloko at mang-abuso ng kapwa, kaya huwag magpapagamit sa mga ganid na negosyante.
Huwag magpalinlang, ito ‘yung halimbawa ng akala natin ay pagtulong ‘yun pala ay pananamantala. Naghihirap na nga ang ating mga kababayan, nilulubog pa.
Sa mga pasaway na online pautang d’yan, makonsensya naman kayo. Hindi pa ba kayo natuto sa pandemya? May panahon ang lahat at may katapusan.



Comments