Online gambling itigil na, kasi pati mga bata nalululong na rin
- BULGAR
- Mar 6, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 6, 2024
KUNG IPIPILIT NI P-BBM NA ISABAY ANG PLEBISITO AT MIDTERM ELECTION BAKA MA-STRIKE 2 SIYA NI ATTY. MACALINTAL AT SC SA MGA SABLAY NA DESISYON -- Sabi ni election lawyer, Atty. Romy Macalintal na wala sa Konstitusyon na pwedeng isabay ang plebisito sa presidential, midterm at barangay elections.
Kaya kapag ipinilit ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na isabay ang plebisito sa Charter change (Cha-cha) sa 2025 midterm election ay malamang supalpal na naman ang abutin niya kay Atty. Macalintal at sa Supreme Court (SC) kasi noong lagdaan ni P-BBM ang postponement ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sana noong Dec. 5, 2022 ay kinuwestyon ito ng election lawyer sa SC, kaya naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na labag sa batas ang naisin ng presidente na ipagpaliban ang BSKE, kaya rin noong October 2023 ay natuloy na ang halalang pambarangay.
Huwag nang ipagpilitan ni P-BBM na isabay ang plebisito sa Cha-cha at 2025 midterm election, kasi baka ma-strike 2 siya ng SC at ni Atty. Macalintal sa mga sablay niyang desisyon, period!
◘◘◘
139 OPISYAL AT KAWANI NG NFA, ‘DI PAGLILINGKOD SA PUBLIKO ANG GINAWA, KUNDI MANINDIKATO -- Nasa 139 opisyal at kawani ng National Food Authority (NFA) ang sangkot sa anomalya ng pagbebenta sa mga nakaimbak na milled rice sa mga bodega ng NFA sa murang presyong P25 per kilo sa mga kapitalistang rice traders.
Patunay ‘yan na hindi lahat ng mga nanunungkulan sa pamahalaan ay paglilingkod sa mamamayan ang hangad, kundi manindikato para magkamal ng kwarta, mga buset!
◘◘◘
SEC. REMULLA, WALANG TAKOT SA NAGPAPAKILALANG ‘APPOINTED SON OF GOD’ -- Pinasasampahan na ni Sec. Crispin “Boying” Remulla ng Dept. of Justice (DOJ) ng kasong rape at iba pa si Pastor Apollo Quiboloy.
‘Yan ang DOJ sec., hindi takot kay Quiboloy na ang pakilala’y “appointed son of God” daw siya, palakpakan naman d’yan!
◘◘◘
MAINAM ANG HANGARIN NI SEN. LAPID NA IPATIGIL ANG MGA ONLINE GAMBLING KASI PATI MGA BATA, NALULULONG NA SA SUGAL -- Nais ni Sen. Lito Lapid na ipatigil ang nagkalat na online gambling sa social media.
Mainam ang hangaring ito ni Sen. Lapid kasi sa totoo lang, hindi lang mga matatanda ang nahuhumaling sa mga sugal sa social media, kundi pati mga bata na may GCash ay nalululong na rin sa online gambling, period!





Comments