top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na

Online gambling company, pinagmulta ng P1M... Pa-iPhone ni Ivana, ipina-stop ng Pagcor

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 minutes ago
  • 2 min read

by Mervin Reyes @News | August 25, 2026



Ivana Alawi namigay ng iPhone

Photo: Circulated / YT



Isang milyong pisong multa ang ipinataw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa isang online gambling company na konektado sa celebrity na si Ivana Alawi dahil sa isinagawang cellphone giveaway, at inatasan din itong itigil ang naturang promosyon.


Ayon kay Pagcor Chairperson Alejandro Tengco nitong Lunes, hindi humingi ng pahintulot sa ahensya ang naturang kumpanya bago isagawa ang promosyon.


Inihayag ni Tengco ang hakbang sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay ng panukalang 2027 budget ng Pagcor matapos magpahayag ng pagkabahala si Kamanggagawa Partylist Rep. Elijah Fernando sa dumaraming content creators at influencers na nag-eendorso ng online gambling.


Binanggit ni Fernando ang isinagawang giveaway ni Alawi ng 100 high-end cellphone. Para maging kwalipikado sa giveaway, kinakailangang i-like ng mga interesadong sumali ang Facebook page ng gambling platform.


Sa isang video na inilabas ni Alawi sa kanyang Facebook page noong Hulyo 15, sinabi niyang umabot sa mahigit P4 milyon ang ginastos sa pagbili ng 100 high-end cellphone.

Pinasalamatan din niya ang online gambling company na kanyang iniendorso, na aniya ay tumulong sa pagbili ng mga cellphone.


Nagbabala rin si Tengco na mas mabigat na parusa ang ipapataw sa kumpanya, kabilang ang posibleng suspensyon o pagkansela ng lisensya, kung mauulit ang naturang paglabag.


Ipinaliwanag niya na may kapangyarihan ang Pagcor na parusahan ang gambling company dahil legal itong nagpapatakbo at lisensyado ng ahensya.

Gayunman, sinabi ni Tengco na nasa 50% ng mga online gambling operator sa bansa ay ilegal.


Tinanong din ni Fernando si Tengco tungkol sa mga mekanismo ng Pagcor para mapanagot ang mga influencer at content creator na nag-eendorso ng mga online gambling platform.


Ayon kay Tengco, nakikipag-ugnayan ang Pagcor sa Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC), at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang magsampa ng mga kaso laban sa mga nag-eendorso ng ilegal na online gambling sites.


Sinabi rin niya na marami nang influencer at content creator ang umatras sa kanilang mga endorsement at lumipat sa mga legal na operator.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page