Online business, dapat irehistro para ‘di masuspinde
- BULGAR

- Sep 10, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 10, 2024

Upang hindi masuspinde, dapat na nakarehistro na sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng mga online business.
Sa naging pahayag ng BIR, nakasaad sa kanilang Revenue Regulations No. 15-2024 na ang mga business operation ay maaaring masuspinde sa pamamagitan ng issuance ng isang closure o take-down order, kung hindi nakarehistro ang mga negosyo sa kagawaran.
Para sa mga online business naman, maaari itong gawin sa pamamagitan ng pagtanggal ng business’ website, webpage, account, platform, o app na ginagamit sa pagbebenta ng kanilang mga produkto.
Gayunman, hindi nito mapipigilan ang BIR na magsampa ng mga tax evasion case laban sa mga negosyo sa ilalim ng kanilang programang Run After Tax Evaders.
Sinabi rin ng kagawaran na dapat tiyakin ng mga online marketplace na lahat ng kanilang mga lessee at seller ay nararapat na nakarehistro sa BIR. Ang pagkabigong gawin ito, anang BIR, ay maituturing na isang akto ng tinatawag na aiding o abetting in the commission ng pagkakasala.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, sinusubaybayan na nila ang mga digital platform at e-marketplace platforms gaya ng Lazada, Shopee, at TikTok para tingnan o i-check kung ang kanilang mga online seller at content creator ay sumusunod sa BIR registration.
Iginiit pa ng kagawaran na pareho rin ang gagawin nila para naman sa brick-and-mortar stores.
Sa kaso ng mga physical retail store, ang pagpapalabas o issuance ng closure o take-down order ay nangangahulugan na ang kanilang mga tindahan ay isasara at sealed with padlock, at may BIR seal.
Binigyang-diin ng BIR na ang Revenue Regulations No. 15-2024 ay ni-level bilang playing field sa pagitan ng online at physical retail stores sa pamamagitan ng equal na pagre-regulate at pagbubuwis sa kanila ng pantay-pantay.
Sinabi pa ng kagawaran na ang Internet Transactions Act of 2023 ay nagpahayag na ang mga online na negosyo ay dapat na nakarehistro sa BIR at magbayad ng buwis upang makabuo ng trust and e-commerce, at maprotektahan ang interes ng mga konsyumer.
Marahil, tama lang na irehistro talaga ang ating mga negosyo para maituring na legal bago natin ito tuluyang buksan.
Gayundin siguro ang dapat gawin ng ating mga kababayang nasa online business.
Sa ganito kasing paraan ay makapagbabayad tayo ng nararapat na buwis sa pamahalaan at magiging maayos ang takbo ng ating mga negosyo.
Mahirap din na kulang-kulang ang mga dokumentong kailangan sa ating negosyo, kung saan unregistered pa ito dahil maaaring isuspinde nga ng naturang kagawaran habang kalaunan tayo rin naman ang mamomroblema.
Sundin na lang natin ang ipinatutupad ng kinauukulan para hindi tayo magsisi sa bandang huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments