Onli in da 'Pinas lang may ipinaiiral na lockdown pero pinapayagang lumabas ang tao para
kumuha ng ayuda.
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 12, 2021
SA PAGBIBIGAY LANG NG AYUDA, KITA NA D'YAN ANG KAPALPAKAN NG DUTERTE GOV'T.--Sa pagbibigay ng ayuda ay kita na kapalpakan ng Duterte gov't. kasi July 30, 2021 inanunsiyo ni P-Duterte ang lockdown o ECQ (Enhance Community Quarantine) mula August 6 hanggang August 20, 2021 sa Metro Manila, tapos noong Aug. 6 lang ibinigay sa mga LGUs (local gov't. units) ang pang-ayuda, kaya kahapon lang naipamigay ito na nagdulot kaya 'yung mahihirap na nakararanas na ng gutom dulot ng lockdown ay halos sabay-sabay naglabasan ng mga bahay, nakipagsiksikan para makakuha agad ng ayuda upang makabili ng makakain.
Ang nakababahala d'yan, isa lang sa mga nakipagsiksikan sa pagkuha ng ayuda ang may delta variant, hawa-hawa na 'yan.
Mantakin n'yo, July 30 pa inanunsiyo na ila-lockdown ang mga residente ng Metro Manila, tapos noong Aug. 6 lang ibinigay ang pang-ayuda, eh, ano tawag d'yan? Palpak!
◘◘◘
HINDI YATA NAGSIPAG-BOYS SCOUT ANG MGA NASA MALAKANYANG KAYA HINDI PALAGING HANDA--Sana, nang ideklara noong July 30 na magla-lockdown ng Aug. 6-22, dapat nakahanda na ang pang-ayuda, at maagang naipamigay ito upang nakapamili na ng makakain ang mga mala-lockdown para pagsapit ng lockdown ay wala na talagang labasan ng bahay ang mamamayang hindi APOR (Authorized Person Outside Residence).
Hay naku, hindi yata nagsipag-boy scout noon ang mga nasa Malakanyang kaya hindi sila palaging handa, boom!
◘◘◘
KULANG ANG P1-K AYUDA SA BAWAT TAO AT P4-K AYUDA SA BAWAT PAMILYA PARA SA 2 LINGGO KAYA ASAHAN NANG MAY MGA LALABAS NG BAHAY KAHIT LOCKDOWN PARA MAGHANAP NG MAKAKAIN--Ang nakadidismaya pa, kulang talaga ang P1,000 ayuda sa bawat tao at hanggang P4, 000 ayuda sa bawat pamilya na may apat na miyembro (pataas) para sa dalawang linggong lockdown, at dahil kulang, hindi maiiwasan na lumabas ng kanilang bahay ang mga nagugutom para maghanap ng makakain, na kapag nangyari 'yan ay posibleng mahawaan ng virus ang lalabas ng bahay na magdudulot para mas lalong dumami magka-COVID-19, lalo na't nananalasa na ang Delta variant sa Metro Manila.
At ang nakalulungkot, kapag dumami bilang ng mga nagka-virus, taumbayan ang sisisihin dito ng gobyerno, gayung sa katotohanan, pamahalaan naman ang may pagkukulang sa pagbibigay ng ayuda, period!
◘◘◘
SA IBANG BANSA KAPAG LOCKDOWN, WALANG LABASAN ANG MGA TAO, SA 'PINAS KAHIT MAY LOCKDOWN, LABASAN ANG MGA TAO PARA KUMUHA NG AYUDA--Sa ibang bansa, kapag nagpairal ng lockdown ang kanilang gobyerno, wala talagang lumalabas ng bahay kasi bago mag-lockdown ay naipamigay na ang pangangailangang pagkain at iba ang kagamitan para sa mga ila-lockdown.
Onli in da 'Pinas lang, sa panahon na may ipinaiiral na lockdown ay pinalalabas ang mga tao para kumuha ng ayuda at pinapayagang sabay-sabay mamalengke para bumili ng makakain, tsk-tsk-tsk!





Comments