Onli in da ‘Pinas lang magkakaroon ng magkapatid, mag-ina at mag-amang Senador
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 1, 2021
MAS PINANINIWALAAN NG MGA PINOY ANG SURVEY SA SOCIAL MEDIA KAYSA SA MGA SURVEY FIRMS—Sa tuwing nalalapit ang halalan sa bansa ay nagsisipag-epal ang mga survey firms, naglalabas sila ng mga survey para ikondisyon ang isipan ng mga Pilipino kung sino sa mga kandidato ang malakas.
Kaya lang, mula nang mauso ang social media, wala nang patol sa inilalabas na survey ng SWS at Pulse Asia dahil mas pinaniniwalaan ng publiko ang survey sa social media kasi nakikita nila ang mga pangalan ng mga netizens na bumoboto sa pamamagitan ng reactions, kumpara sa pa-survey ng SWS, Pulse Asia, at maging ng mga bagong survey firms na OCTA Research at Publicus Asia na hindi alam ng publiko kung sino ang kanilang participants, boom!
◘◘◘
RESULTA NG SURVEY FIRMS, BAYAD?—Isa pa sa mga dahilan kung bakit tablado na sa mayoryang Pinoy, ayaw nang paniwalaan ang mga pa-survey ng SWS, Pulse Asia, OCTA at Publicus ay dahil sa paniniwala ng mamamayan na bayad o may nagbabayad sa mga inilalabas nilang survey para palabasing malakas na kandidato ang pulitiko.
Hindi naman masisisi ang mga Pinoy na huwag nang paniwalaan ang resulta ng mga suvey na inilalabas ng mga survey firms kasi patuloy na kumikita o lumalago ang kanilang kumpanya, gayung wala naman silang ibinebentang produkto.
Sa madaling salita, at kita naman ito sa comments ng netizens sa social media, na bayad ang resulta ng survey na inilalabas ng mga survey firms, period!
◘◘◘
INILALABAS NA SURVEY, KABALIGTARAN SA DATA NG MGA INTERNATIONAL RESEARCH GROUP—Sa totoo lang, ang hirap talagang paniwalaan ang mga inilalabas na resulta ng survey ng SWS, Pulse Asia, OCTA at Publicus Asia, hindi lang survey na may kaugnayan sa pulitika, kundi maging sa response ng gobyerno sa laban sa COVID-19.
Halimbawa ng mga nakaraang inilabas na survey ng SWS, Pulse Asia, OCTA at Publicus Asia na mataas ang rating ni P-Duterte sa laban sa COVID-19, na kabaligtaran naman sa datos na inilalabas ng mga international research group, na kulelat ang Philippine gov’t. sa tugon sa COVID-19 pandemic, boom!
◘◘◘
KAPAG NANALO SINA ALAN CAYETANO, MARK VILLAR AT JEJOMAR BINAY, SAMA-SAMA NA SILA SA SENADO NG MGA KAPAMILYA NILANG SINA SENATORS PIA CAYETANO, CYNTHIA VILLAR AT NANCY BINAY—Sa latest survey na inilabas ng Pulse Asia tungkol sa mga senatoriables, pinalalabas ng survey firm na pasok sa Top 12 na mananalo sa halalang 2022 sina Taguig Rep. Alan Cayetano, Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar at former Vice-Pres. Jejomar Binay.
Sa ngayon ay senadora pa sina Senators Pia Cayetano, Cynthia Villar at Nancy Binay at sa year 2025 pa magtatapos ang kanilang termino.
Mantakin n’yo, kung totoo ang survey ng Pulse Asia na mananalo sa pagkasenador sina Alan Cayetano, Mark Villar at Jejomar Binay, onli in da ‘Pinas lang na ang magkapatid (Cayetano), mag-ina (Villar) at mag-ama (Binay) ay magkakasamang nanunungkulan bilang mga senador ng Pilipinas, ha-ha-ha!





Comments