One-strike policy para 'di makalusot ang mga armed group
- BULGAR
- Mar 10, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | March 10, 2023
Hindi lang mga halal na opisyal ang apektado sa sunud-sunod na pag-atake ng mga bayarang berdugo na sumasalakay at handang pumatay dahil maging ang taumbayan ay nilulukob na ng takot dahil sa kawalan ng seguridad sa ating bansa.
Ilang araw mula nang maganap ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na ikinamatay ng walong tao at ikinasugat ng 17 pa, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa ang pangyayaring ito.
Noong nakaraang araw, personal tayong nagtungo sa burol ni Gov. Degamo at nakadaupang palad natin ang kanyang maybahay na si Pamplona Mayor Janice Degamo na labis ang pagdadalamhati sa pagkakapaslang sa kanyang mister.
Dahil dito, hinihimok natin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na agad magpatupad ng one-strike policy para sibakin ang hepe ng pulisya o ang buong istasyon, kung saan may naganap na pag-atake ang mga armed group na sangkot sa pagpatay ng public official.
Tulad ng pagsibak sa buong police force ng Bayawan City at lahat ng na-relieve na pulis ay inilagak saglit sa Provincial Police Headquarters habang iniimbestigahan pa ang puno’t dulo ng pagkamatay ni Gov. Degamo na puwede naman palang gawin, pero hinintay pa ang ating pahayag bago umaksyon.
Alam kasi ng pamunuan ng PNP na may malaking pagkukulang ang mga kaanib ng Bayawan City PNP, kaya sinibak nila ang buong police force dahil tutulug-tulog sa pansitan.
Dapat ay mismong DILG na ang magpatupad ng one-strike policy upang kahit paano ay magsikilos ang mga kaanib ng PNP at palakasin ang police visibility upang hindi makaporma ang mga armadong grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tunay na problema sa kasalukuyan ang muling pagdami ng armed group sa bansa dahil mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ay nananawagan na dapat lansagin ang mga private army sa bansa, na pinatotohanan ng sunud-sunod na pamamaslang.
Nais ng Pangulo na lansagin ang mga grupong ito at huwag pabayaang mamayagpag at maghasik ng takot, kaya matindi ang panawagan ng pamahalaan na palakasin ang pagbabantay at pagbuwag sa mga private army sa bansa.
Akala ko noong una, ilan lang ako sa nakararanas ng sobrang galit dahil sa naganap na pagpaslang kay Gov. Degamo, ngunit nang dalawin ko ang burol niya, ru’n ko naramdaman na halos lahat ng naroon ay nakakaranas ng pangingilabot, panggigigil at sobrang pagkagalit.
Tutal dati nang may one-strike policy ang PNP sa mga kaso ng illegal gambling tulad ng jueteng at video karera hanggang lewd shows, pati mga tupada na hindi naman nakamamatay, maliban sa nakakalulong, ngunit sinisibak ang chief of police o buong istasyon.
Mas dapat na magkaroon ng one-strike policy sa mga lugar na magkakaroon ng pinaslang na halal na opisyal upang maging alerto ang PNP na nakatalaga sa mga istasyon.
Minsan, nagsasagawa ng check-point dahil nais lang ng PNP na maglagay nito at sa ganitong paraan, naiiwasan ang pagdadala ng mataas na kalibre ng baril, lalo na kung grupo, at tiyak na mas madali itong makita.
Ibig sabihin, hindi basta makakaporma ang mga armadong grupo kung may paghihigpit na isinasagawa ang PNP, hindi tulad nitong mga nakaraang araw na harap-harapan ang pagpapabaya kaya ganundin ang pananamantala ng masasamang loob.
Hindi naman ordinaryong pagpaslang ang isinasagawa ng mga organisadong grupo na ito kung hindi hinihiya na ang pamahalaan dahil sa lantarang paglapastangan sa ating demokrasya.
Kung maisasakatuparan ang one-strike policy sa aspetong ito, tiyak na maging ang hanay ng pulisya ay kailangan nilang ihanda at linisin dahil marami na ang naliligaw ng landas at kinakain ng bulok na sistema, kung saan maging ang pagiging hired killer ay ginawa nang dagdag-kabuhayan.
Nakakuha nga tayo ng impormasyon na ang ginamit na armas ng mga umatake sa compound ni Gov. Degamo ay pawang mamahalin at mas magaganda pa sa mga baril na ginagamit ng ating sundalo at kapulisan.
Ganyan kayaman ang mga nasa likod ng mga private army sa bansa, na handa talaga sa pagsalakay at kitang-kita na dumaan sa masusing pagsasanay dahil sa mabilis at maayos na galawan nang isagawa nila ang pamamaslang kay Gov. Degamo.
Kaya hindi dapat balewalain ng pulisya ang organisadong galawan ng mga armadong grupo na ito dahil ilang ulit nang nalulusutan ang ating pulisya at may ilang nakaligtas, ngunit may ilan ding kinapos ng kapalaran sa pag-atake ng mga bayarang berdugo.
Ang mga pagpaslang na ito — ang brutal na pagdanak ng dugo sa walang saysay na angas-angasan ay direktang pambabalasubas sa umiiral na batas sa ating bayan, at muli, isang malaking sampal ito sa ating demokrasya, kaya kailangan na itong one-strike policy.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments