ONE C'ship Fighter, nalingat inupakan ng Coronavirus
- BULGAR

- Jul 5, 2020
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | July 5, 2020

Hindi nakaligtas ang iba’t ibang mga personalidad sa larangan ng pampalakasan sa mapaminsalang coronavirus disease (Covid-19) matapos tamaan ang mga ito at bawian ng buhay.
Kinumpirma ng may alam sa pangayayari mula sa koponan ng Miami Heat sa NBA na ipinasara nila pamsamantala ang kanilang training facility kasunod ng panibagong kaso ng Covid-19.
Hindi muna pinangalanan ng koponan ang ikalawang biktima na nagpositibo sa naturang sakit matapos ang testing sa mga manlalarong sasabak sa Orlando, Florida. Nauna ng tinamaan nito si guard Derrick Jones Jr noong nakaraang linggo at kasalukuyang sumusunod sa NBA protocols.
Inanunsyo naman ni Two-division ONE Championship champion Aung La ‘N Sang na mayroon din siyang ganitong karamdaman sa kanyang social media account.
Ang 35-anyos na Burmese titlist na may hawak ng ONE middleweight at light-heavyweight world championships ay isiniwalat ang masaklap na balita sa kanyang Instagram account noong Biyernes.
“I got tested for COVID-19 on Monday and the result came back today and I am positive,” pahayag nito. “So my family and I will be quarantining ourselves for the next 14 days. I had a slight fever, congestion, body ache and fatigue on the first two days. Besides that, I am blessed that my whole family is doing well. We are really in this together and we will get over this.”
Kasalukuyang nanunuluyan ang tinaguriang “The Burmese Python” sa Fort Lauderdale sa Florida kung saan mayroong 169,000 na kaso. Huling lumaban si Aung La noong Oktubre 2019 ng matagumpay na madepensahan nito ang light-heavyweight title kay Filipino-American at ONE Heavyweight titlist Brandon Vera sa ONE Centrury Part 2.
Nagluluksa naman ngayon si UFC lightweight champion Khabib Nurmagomedov sa pagpanaw ng kanyang ama at dating trainer nito sa edad na 57-anyos na si Abdulmanap Nurmagomedov dahil sa naturang sakit.
Inilabas ni Chechen leader Ramzan Kadyrov ang masamang pangyayari matapos madala pa sa North Caucasus region ng Dagestan ang ama ni Khabib noong Abril na kinalauna’y inilipat sa Moscow clinic.
“I've received sad news, friends, that Abdulmanap Nurmagomedov has left this world,” wika ni Kadyrov sa kanyang ipinadalang mensahe sa Telegram messenger, na nagpapahayag ng pakikiramay gayundin ang “whole Chechen people.”
Hinikayat ng 31-anyos na undefeated fighter ang kanyang mga kababayan na sumunod sa mga ipinag-uutos ng mga doctor at maging disiplinado.





Comments