Olivarez, PATTS at Immaculada, tinapos ang Q'Finals sa NCRAA
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 19, 2023

Laro ngayong Biyernes – PUP Gym
10:00 AM DLSU-D vs. PMMS
Walang nakapigil sa pagmartsa ng mga paboritong Olivarez College, PATTS College of Aeronautics at Immaculada Concepcion College at tinapos nila agad ang twice-to-beat quarterfinal round ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Basketball Tournament noong Miyerkules sa Polytechnic University of the Philippines Gym sa Santa Mesa, Maynila. Hindi pa kumpleto ang listahan at binitin ng De La Salle University-Dasmarinas ang Philippine Merchant Marine School, 78-74, para ipilit ang winner-take-all ngayong araw sa parehong palaruan.
Sumakay ang DLSU-D sa 11 ng kabuuang 29 puntos ni Mark Trinidad sa huling 5 minuto, kasama ang tatlong pandiin na 3-points. Humabol ang Mariners mula sa 63-71 sa simula ng 4th quarter at naging 74-75 sa huling 22 segundo subalit ipinasok ni Trinidad ang paniguradong three-points.
Nanatiling malinis pa rin ang kartada sa 12 laro ang numero unong Olivarez College Sea Lions at tinambakan ang host PUP Radicals, 86-73. Humataw para sa 27 puntos mula sa limang tres sa loob ng 19 minuto si reserbang si John Anthony Umali.
Sinayang ng ICC Blue Hawks ang 86-70 lamang papasok sa huling 2 minuto at kumapit sa gitna ng huling hirit ng Asian Institute of Maritime Studies Blue Sharks para sa 90-86 tagumpay. Bumida sa ICC sina Mark Edrian Ramirez na may 24 at Alfred Flores na may 21 puntos.
Ang mga semifinal sa susunod na linggo ay knockout sa pagitan ng PATTS at ICC habang hihintayin pa ng Olivarez ang resulta ng laro ngayong araw kung sino ang kanilang magiging katunggali. Ang finals ay best-of-three.





Comments