Oil spill, umabot na sa Isla Verde

ni Mylene Alfonso | March 21, 2023

Umabot na sa Verde Island sa Batangas ang oil spill na mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro.
Sa isang panayam kay Philippine Coast Guard Batangas station commander Captain Victorino Acosta, kumpirmadong nakaabot na sa Verde Island ang oil spill.
“Opo. Sa ngayon, confirmed,” aniya. “Doon sa bandang 4.4 nautical miles, nagko-combat na kaagad tayo. Oil sheens pa lang doon pero may mga nagla-landfall na dito. Kapag nakita mo, nagiging kulay itim na.”
Sa ngayon ay inaalam na umano ng PCG kung gaano na kalayo ang inabot ng oil spill sa dalampasigan ng Verde Island.
Mino-monitor na rin umano ang iba pang karagatan ng Batangas tulad sa San Juan, Tingloy, Lobo, at Calatagan.
Gayunman, tiniyak ni Acosta na handa ang lalawigan sa ganitong pangyayari at naipuwesto na umano ang mga oil spill booms at iba pang equipment na kakailanganin.
Naunang sinabi ni University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) associate professor Dr. Irene Rodriguez na aabot ang oil spill sa Batangas at Puerto
Galera dahil sa Northeast Monsoon o Amihan na ang direksyon ay pahilaga patungo sa direksyon ng Verde Island passage.
Wala pa naman umanong fishing ban sa Batangas at hindi pa rin apektado ang Ro-Ro travel, ayon pa kay Acosta.





Comments