Oil spill sa Oriental Mindoro, bigyan ng agarang aksyon
@Editorial | March 10, 2023
Nakapanlulumo ang kasalukuyang sitwasyon ng sampung bayan sa Pola, Oriental Mindoro bunsod ng oil spill na nanggaling sa lumubog na barkong Mt. Princess Empress noong Pebrero 28.
Nagdulot ito ng malubhang epekto sa marine protected areas, beach resorts, na umabot na rin sa baybayin ng karatig-lungsod na nakaaapekto sa pamumuhay ng mga residente.
Ayon sa University of the Philippines Marine Science Institute (UPMSI), ang oil spill ay maaaring makaapekto sa humigit-kumulang 20,000 ektarya ng mga coral reef, 9,900 ektarya ng bakawan at 6,000 ektarya ng seagrass sa mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Antique at Palawan.
Samantala, nasa 5,000 residente na umano ang apektado at 18,000 mangingisda ang pinatigil ang kanilang aktibidad dahil sa malawakang pagkalat ng langis.
Sa kabila ng sitwasyon, nanaig pa rin ang pagbabayanihan sa mga residente na tulung-tulong na naglinis sa baybayin. Gayunman, dahil sa ilang araw na exposure, ilang residente rin ang naitalang nahirapang huminga at hinihika.
Bagama’t patuloy ang pagsasagawa ng coastal clean-up ng awtoridad sa mga apektadong lugar, tumatakbo rin ang oras at lumalawak ang epekto ng oil spill, kapwa pangkalikasan at sa pamumuhay ng mga residente.
Kinakailangan ng agarang solusyon ng ahensya ng gobyerno upang masugpo maaga palang ang epekto ng pagtagas ng langis. Sapagkat sa paglipas ng araw na walang aksyon, nagdudulot ito ng malaking permanenteng pinsala sa marine ecosystem na tanging pangkabuhayan ng mga residente.
Gayundin, dapat ang patuloy na pag-abot ng tulong ng gobyerno sa mga taong apektado hanggang sa tuluyang luminis ang karagatan at makabalik sila sa pangingisda.



Comments