Oil price hike, non-stop, kamot-ulo na lang ba tayo?!
@Editorial | Enero 31, 2023
Kamot-ulo na naman sa ipatutupad na oil price hike ngayong araw.
Ito na ang ikatlong sunud-sunod na linggo na mayroong taas-presyo sa produktong petrolyo. Inaasahang mahigit piso na naman ang itataas.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang mga transport groups sa gobyerno na bigyan sila ng fuel subsidy habang hinihintay pa nila ang pag-aprubra ng hirit nilang taas-pasahe.
At ang panawagan nila ngayon ay ayuda na matatanggap nang regular gaya sa ilang programa ng gobyerno. Inihalintulad nito ang regular na 4Ps, senior citizens at TUPAD na nagiging buwanan ang pagbibigay.
Nauunawaan natin ang hirap ng mga drayber. Walang kalaban-laban sa tuwing may pagtaas sa presyo ng petrolyo. Hindi naman puwedeng ‘di pumasada dahil may pamilyang kailangang tustusan ang mga pangangailangan.
Kaya malaking bagay na kahit paano ay may tulong din silang natatanggap. Ang tanong, hanggang saan kakayanin ng gobyerno?
Dapat ay nag-iisip na rin ng mga paraan upang mas malabanan ang pagsirit ng presyo ng petrolyo. Napakahirap ng sitwasyon na ‘pag may oil price hike, magsusunuran na rin ang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin.
Sa pagkakataong ito, dapat nang maging mas mapamaraan at madiskarte. Kailangan ng maraming options. Kung may pondo naman ang gobyerno, gumawa pa ng mga programa na puwedeng makatulong sa mga drayber.
Kung hindi natin mapipigilan ang paggalaw ng presyo ng petrolyo na dinidikta sa labas ng bansa, matuto na tayong gumawa ng paraan para makasabay nang hindi nahihirapan.



Comments