top of page
Search
  • BULGAR

OFWs, target ng mga scammer, ingat!

@Editorial | April 19, 2024



NAMAMAYAGPAG na naman ang mga online scammer at target din ang mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang pamilya.


Kaugnay nito, naglabas ng isang pahayag ang Department of Migrant Workers (DMW) para magbigay ng babala laban sa mga nagpapanggap na legit investment platforms at naghihikayat na magpasok sa kanila ng pera bilang puhunan.


Isa sa mga ito ang korporasyon na hindi umano rehistrado at ‘di rin lisensyado na ineengganyo ang mga Pinoy na mag-invest ng kanilang perang pinaghirapan sa pamamagitan ng clickbait o paggamit ng makatawag-pansin na headline. May link sa loob ng artikulo kung saan ituturo ang biktima sa isang kahina-hinalang website na nag-aalok ng return of investment (ROI) na nakakapang-akit sa interes nang marami dahil sa taas ng balik sa perang in-invest.


Para lalo pang makahikayat ng mga mabibiktima, may mga testimonya pa umano sa ilang kilalang personalidad o celebrity na hindi naman napatutunayan at naka-post sa kahina-hinalang website.


Kaya paalala sa mga OFW at sa lahat, huwag magpasilaw sa magagandang pangako, kadalasan ‘pag sobrang taas ng ROI, hindi na makatotohanan.


Umaasa rin tayo sa DMW na patuloy ang pakikipagtulungan sa SEC sa pamamagitan ng kanilang Anti-Scam and Illegal Taking of Investments (ASTIG) campaign, sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at iba pang partners mula sa private sector at sa civil society upang mapataas pa ang kaalaman ng OFWs at ng kanilang pamilya sa financial literacy na panlaban din sa mga scammer.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page