OFWs mula sa nagsarang kumpanya sa Saudi Arabia, binabayaran na
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 8, 2024
Sa wakas nagsimula nang matanggap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho, ang kanilang mga hindi pa nababayarang claim dahil sa mga nabangkaroteng construction companies sa Saudi Arabia.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, sinimulan ng Saudi government ang pamamahagi nito ng mga tseke noong November na may kabuuang 843 Filipino claimant na nabayaran na.
Wala namang naririnig ang kagawaran na isyu mula sa mga OFW hinggil sa halaga na kanilang mga natanggap, kaya ibig sabihin ay ito lang talaga ang amount na aniya, mga halaga na pakiramdam o inilagay ng mga manggagawang Pinoy bilang kanilang partikular na claims.
Batay sa official lists ng DMW, nasa 10,554 ex-Saudi OFWs ang may hindi nababayarang claims at mga benepisyo.
Karamihan sa mga OFW ay ini-repatriate ng pamahalaan noong 2016, matapos na ang tatlong mega Saudi construction companies ay mabangkarote dahil sa pagbaba ng presyo ng langis na nagsimula noong 2014, at naapektuhan ang ekonomiya ng naturang bansa.
Matatandaang noong November 2022, nangako ang Crown Prince ng Saudi Arabia na si Mohammed bin Salman Al Saud kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ng 2 bilyong riyal para sa pagbabayad ng mga OFW claims, sa ginanap na bilateral meeting sa APEC Summit sa Bangkok, Thailand.
Sa pamamagitan ng yumaong kalihim ng DMW na si Susan Ople, nag-organisa sila ng isang mekanismo para i-finalize ang listahan ng mga claimant na isinumite nila sa Saudi government.
Base sa prosesong inilatag sa ngayon, ang mga claimant ay tumatanggap ng mga tseke mula sa Saudi bank na Alinma, habang tinutulungan naman ng DMW ang mga OFW na ideposito ang mga tseke sa Landbank at makipag-ugnayan sa Overseas Filipino bank para sa clearance nito, kung saan tumatagal ng 45 hanggang 60 araw.
Ayon kay Cacdac, nasa 700 tseke ang kasalukuyang naghihintay ng clearance, subalit tiniyak niyang tutulungan ng kagawaran ang lahat ng claimants na matanggap ang nararapat para sa kanila.
Salamat naman at nabayaran na rin ang mga dating Pinoy workers sa kanilang mga unpaid claims na pinagtrabahuhan abroad.
Salamat din at tinupad ng Saudi government ang kanilang pangako sa ating pamahalaan kahit na inabot pa ng matagal bago natanggap ng ilang OFWs at kasunod na rin ang iba pa, ang kanilang kompensasyon at benepisyo.
Hiling sana natin na patuloy na maging maganda ang ating relasyon at ugnayan sa naturang bansa at sa marami pang mga bansa para maging maayos din ang pakikitungo ng kanilang gobyerno at mamamayan sa ating mga OFWs.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments