OFWs, ingat sa alok na trabaho online
- BULGAR
- Mar 3, 2024
- 1 min read
@Editorial | Marso 3, 2024
Nakababahala na tila produktong iniaalok sa social media ang ilan nating kababayan na naghahanap ng mapapasukan bilang domestic helper at health worker abroad.
Sa isang video mula sa isang Instagram account, makikita ang ilang Pinay na naka-uniform, nagpapakilala at inilalahad ang kanilang kakayahan para kunin sa trabaho.
Sa description ng social media account na isa umanong kumpanya, nakasaad na nakabase ito sa Dubai, at nagpapadala ng mga Filipino housemaids, nannies, lady drivers, caregivers at nurses. Umabot na ang isyu sa Department of Migrant Workers (DMW) at sinabing maituturing na illegal job offer ang post dahil hindi dumadaan sa kagawaran ang proseso.
Napag-alaman din na walang lisensya ang recruitment agency na konektado sa nasabing account na nasa social media. Hindi rin umano accreditation ng foreign principal at employer, na kabilang sa mga rekisitos para makapagpadala ng mga Pinoy na nais magtrabaho sa ibang bansa. Kaya paalala sa ating mga kababayan, huwag pumatol sa mga ganitong online job offers dahil delikado.
Kung may alok na trabaho abroad, alamin muna sa DMW kung ito ba ay legit.
Ang isa pang nakababahala, napag-alaman na may iba pang mga kahalintulad na post na makikita sa ibang social media account. Kaya hamon sa kinauukulan, mas paigtingin ang pagtugis sa mga illegal recruiter at panagutin.



Comments