top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

OFWs, doble-ingat vs. Illegal recruitment

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 8, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 8, 2024


Nabuhay uli ang mga kumpanya na nasasangkot sa illegal recruitment na nambibiktima ng mga overseas Filipino workers (OFWs).


Kaya naman agad na kumilos ang Department of Migrant Workers (DMW) at ipinasara ang isang consultancy firm sa Maynila dahil sa umano’y pagre-recruit ng mga nagnanais na OFWs para sa mga trabaho sa Germany.


Pinangunahan ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, katuwang ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at Manila Police District (MPD), ang pagresponde sa mga reklamo ng mga nabiktima, kung saan kanilang ipinadluck ang opisina ng Gisgerman Document Facilitation Services (GIS Manila) na nasa Malate, Manila.


Batay sa DMW, ang naturang kumpanya, na walang kaukulang lisensya sa kagawaran, ay nangangako umano ng mga trabaho sa hotel at domestic care sa Germany. Sinisingil din nila ang mga Pinoy workers ng P102,000 fee para sa serye ng mga language training at P5,000 pa para naman sa enrollment fee.


Pagkatapos ng language training ng aplikante, hihingi umano ang GIS Manila ng karagdagang P99,000 para sa pagpoproseso ng trabaho abroad dahil sa direkta nilang ire-refer ang Pinoy worker sa isang German employer.


Ayon sa ahensya, kabilang ang naturang consultancy firm at ang mga tauhan nito sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” ng DMW at maaaring makasuhan ng illegal recruitment committed by a syndicate. 


Hinimok naman ng kagawaran, ang mga OFWs na bisitahin muna ang DMW website para sa mga licensed agencies at mga aprubadong job order kung sila man ay pipili ng consulting firm para sa trabaho abroad.


Mabuti ang ginawa ng kinauukulan na ipasara agad ang kumpanyang dawit sa illegal recruitment na nambibiktima ng maraming OFWs.


Kailangan sigurong maging maingat ang ating mga kababayang OFWs sa paghahanap ng kumpanyang kanilang mapapasukan sa ibang bansa at huwag basta magtitiwala habang sumangguni muna sa mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman dito.  


Kung tutuusin, dapat naman na proteksyunan at pangalagaan ng pamahalaan ang kalagayan ng mga overseas Pinoy worker na gusto lamang makakuha ng disenteng trabaho abroad at may maipantustos sa kanilang pamilya.


Subalit, may mga tao at kumpanya rin na sadyang nais ng mabilisang kumita ng pera kahit pa sa masamang paraan.


Sana, tigilan na nila ang ginagawang pandurugas sa kanilang kapwa at mamuhay naman ng patas. Mas masarap na ang pinagsasaluhang pagkain ng ating pamilya ay iyong nanggaling sa ating pinagtrabahuhan at pinaghirapan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page