Obligasyon ng empleyado na patunayang nagtrabaho nang overtime
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 1, 2023
Dear Chief Acosta,
Tumanggi ang aking kumpanya na bayaran ang aking overtime pay para sa nakaraang buwan. Balak kong magsampa ng kaso tungkol dito, ngunit wala akong ebidensya para suportahan ito. Nais kong malaman kung obligasyon ba ng kumpanya na patunayan muna ang pagbabayad nito? – Meynard
Dear Meynard,
Ang iyong katanungan ay tinalakay na ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong “Reyman G. Minsola vs. New City Builders, Inc. and Engr. Ernel Fajardo” (G.R. No. 207613, 31 January 2018), na isinulat ni Kagalang-galang na dating Kasamang Mahistrado Andres B. Reyes, Jr., kung saan binigyang-linaw na ang empleyado ang pasanin na patunayan muna ang karapatang mabayaran ng overtime pay, at premium pays para sa holiday at rest days:
“On the other hand, for overtime pay, premium pays for holidays and rest days, the burden is shifted on the employee, as these monetary claims are not incurred in the normal course of business. It is thus incumbent upon the employee to first prove that he actually rendered service in excess of the regular eight working hours a day, and that he in fact worked on holidays and rest days.”
Ayon sa nabanggit na kaso, sa paghahabol para sa overtime pay at premium pays para sa holiday at rest days, ang pasanin ay nakasalalay sa empleyado na patunayan muna na siya ay aktuwal na nagbigay ng serbisyo nang higit sa regular na walong oras na trabaho sa isang araw, at siya ay katunayang nagtrabaho sa mga araw ng holiday at rest day. Ito rin ay nagmumula sa katotohanan na ang mga nabanggit na benepisyo ay hindi natatamo sa normal na kurso ng negosyo.
Samakatuwid, hindi obligasyon ng iyong kumpanya na patunayan ang pagbabayad ng iyong overtime pay dahil iyong pasanin bilang empleyado na patunayan muna na aktuwal kang nagbigay ng serbisyo nang higit sa regular na walong oras na trabaho noong nakaraang buwan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments