ni Anthony E. Servinio @Sports | August 3, 2024
Pasok na si EJ Obiena sa finals medal round ng Men’s Pole Vault ng Paris 2024 Athletics matapos ang puno ng drama qualifying Sabado ng hapon. Itutuloy ng Pinoy at 11 na iba pang katunggali ang kanilang lakbay patungong medalya sa Agosto 6 simula 1:00 ng madaling araw.
Humingi ng liban sa unang talon na 5.40 metro si Obiena at ang kanyang pinakamahigpit na karibal na si Tokyo 2020 ginto Armand Duplantis ng Sweden na siyang may-ari ng World Record na 6.23. Walang kabang tinalon ni Duplantis ang sumunod na antas na 5.60 subalit sumablay ng dalawang beses si Obiena kaya nalagay siya sa alanganin.
Nagpasya na huwag na sumubok at sa halip ay tatalon na lang sa 5.70 na isang mali ay tiket niya pauwi ng Pilipinas. Linampasan niya ang hamon at linampasan ang taas para manatiling buhay.
Uminit na si Obiena at tumalon ng 5.75 na sapat para makamit ang upuan sa finals. Makakaharap niya sina Duplantis, Sondre Guttormsen ng Norway, Emmanouli Karalis ng Gresya, Ersu Sasma ng Turkiye, Menno Vloon ng Netherlands, Sam Kendricks ng Estados Unidos, Huang Bokai ng Tsina at Bo Kanda Lita Baehre at Oleg Zernikel ng Alemanya na lahat ay tumalon ng 5.75 at Kurtis Marschall ng Australia at Valters Kreiss ng Austria na tumalon ng 5.70.
Sa lupit ng kompetisyon ay hindi nakapasok si Tokyo 2020 pilak Christopher Nilsen ng Amerika na inabot ng tatlong talon sa 5.60. Ang tanso noon na si Thiago Braz ng Brazil ay suspendido hanggang Nobyembre matapos mahulihan na gumamit na ipinagbabawal na gamot noong nakaraang taon.
Ang iba pang kinatawan ng bansa na sina John Cabang at Lauren Hoffman ay sasabak ngayong Linggo. Mauuna si Cabang sa Men’s 110-Meter Hurdles sa 5:50 ng hapon at susundan ni Hoffman sa Women’s 400-Meter Hurdles sa 6:35 ng gabi.
Comentarios