- BULGAR
Obiena, pinababalik na sa National team
ni Gerard Arce - @Sports | August 7, 2022

Tinatrabaho ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ang isang hakbang upang agarang maibalik sa national team si 2020+1 Tokyo Olympian pole vaulter Ernest John Obiena.
Sa inilabas na mensaheng pinirmahan ni PATAFA president Agapito Capistrano para sa ahensya ng pampalakasan, ipinapaalam ng national sports association (NSA) na muling ibinabalik nito sa kanilang national team roster ang 26-anyos na two-time Southeast Asian Games champion at record holder kasunod ng mga naitalang tagumpay at panalo sa mga nagdaang kumpetisyon.
“Given the same allowances previously extended to him based on his classification as a world class athlete,” wika ni Capistrano patungkol sa pag-endorsong ibalik ito sa national team. “It will further motivate our athlete to perform better in the coming international competitions” which includes the 2024 Summer Olympics in France.”
Inatasan ni PSC Officer-in-charge Atty. Guillermo Iroy Jr. ang mga kinauukulan sa kanilang ahensiya na aksyunan ang mga bagay patungkol sa pagpapadala ng kinakailangang hakbang. “I see no problem with the endorsement, EJ deserves to be back in the team,” pahayag ni Iroy.
Kasalukuyang ng sinusuri ng ahensya ang mga patakaran at rekord tulad ng NSA quota o team ceiling para sa isa at gagawa ng mga kinakailangang papeles. Kung kailangang magdagdag ng slot, ipinaliwanag ni Iroy na kakailanganin ito ng aksyon ng board, ngunit ang pagiging epektibo ay maaaring itakda sa retroactive sa pagsusumite ng pag-endorso.
Nito lamang nagdaang Hulyo ay kumubra ng tansong medalya ang 2019 Universiade champion sa 2022 World Athletics Championships sa Oregon, USA sa likod nina Olympic gold medalist at No.1 World ranked at record holder Armand Duplantis ng Sweden at Tokyo silver medalist Chris Nielsen ng US.