ni VA / Eddie M. Paez Jr. @Sports | February 22, 2024
Nakamit ng Filipino Olympian pole vaulter na si Ernest John "EJ" Obiena ang kanyang unang gold medal ngayong 2024 sa Memorial Josep Gašparac tournament na idinaos sa Croatia noong Martes,araw naman ng Miyerkules dito sa Pilipinas. Nagawang ma-clear ni Obiena ang baras na itinaas sa 5.83 meters upang gapiin ang kanyang mga nakatunggali kabilang na sina Pedro Buaró (5.73m) ng Portugal at Oren Trey Oates (5.61m) ng Estados Unidos(US) na siyang kumopo ng silver at bronze ayon sa pagkakasunod. Ito ang unang titulo ni Obiena ngayong taon at habang naghahanda sya para sa darating na 2024 Olympic Games sa Paris, France. "Indoor season finally kicks off," ani Obiena sa kanyang post sa social media platforms. "5.83 for the title here... Thank you for having us and putting on a great atmosphere."Nakatakda namang magtungo si Obiena sa Germany para sa susunod na torneong kanyang sasalihan - ang Istaf Indoor event.
Samantala, matagumpay na nakapagparamdam ng husay si Christian "Ian" Perez sa pandaigdigang arena nang pumangatlo ang Pinoy sa Professional Darts Corporation Pro Tour: Players' Championships Leg 4 sa Leicester, England.
Dinaig ni Perez ang anim na mga de-kalibreng kalahok tungo sa semifinals ng malupit na torneo. Kasama sa listahan sina Danny Lauby Jr. (USA, 6-5, round-of-128), Martin Schindler (Germany, 6-3, round-of-64), Ricardo Pietreczko (Germany, 6-1, round-of-32) at ang mga dating world champions na sina Wales Gerwyn Price (6-4, round-of-16).
Matinding balikwas ito ng darterong kilala rin sa bansag na "The Titan" sa unang tatlong paligsahang nilahukan niya sa Tour sa England sa nagdaang dalawang linggo. Sa nabanggit na mga paligsahan, tatlong dikdikang labanan ang dinaan niya pero inalat siya sa check-out kaya hindi nakausad mula sa unang round ang 42-taong-gulang na pambato ng Koronadal City.
Komen