Boss Emong at Super Suwerte may rematch
Updated: Nov 1, 2021
ni Green Lantern- @Renda at Latigo | November 1, 2021
Usapan na sa social media ang muling paghaharap nina Super Swerte at Boss Emong sa magaganap na 2021 PCSO Silver Cup na pakakawalan sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa susunod na Nobyembre 7.
Kilalang tigasin na kabayo sina Super Swerte at Boss Emong kung saan tinalo ng huli ang una sa Chairman's Cup na ginanap sa Metro Turf, Malvar sa Batangas noong Hunyo.
Inangkin ni Super Swerte ang Commissioner's Cup na inilarga rin ngayong taon.
Subalit tiyak na mapapalaban din sina Boss Emong at Super Swerte dahil kasali rin si reigning Presidential Gold Cup champion Pangalusian Island.
May distansyang 1,750 meter race, ang ibang nagdeklara ng paglahok ay sina Gusto Mucho, King Tiger, Union Bell, Dewey Boulevard, Princess Eowyn, Son Also Rises, Greatwall at Wonderland.
Nakalaan ang P4M guaranteed prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) hahamigin ng mananalong kabayo ang P2.4M.
Ibubulsa ng second placer ang P800,000 habang kukubrahin ng third at fourth ang tig P400,000 at P200,000. Sasakyan nina Fernando Raquel Jr. at AR Villegas sina Boss Emong at Super Swerte ayon sa pagkakasunod.





Comments