top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Nuisance candidates, dapat nang parusahan!

BULGAR
Oct 5, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | October 5, 2022

Nais maparusahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga ‘nuisance candidates’ o ‘yung mga nagpapagulo lamang ng halalan.


Dahil dito, isinusulong ng komisyon na gawing krimen ang pagsusumite ng certificate of candidacy (COCs) ng mga ‘nuisance candidates’ dahil labis umanong nakakaapekto ang mga ito, lalo na sa mga botante.


Inihalimbawa ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco ang insidente sa Negros Oriental noong Mayo 2022, kung saan nailagay ang boto sa isang “Ruel Degamo” imbes na kay dating Governor Roel Degamo. Nagresulta ito ng pagpapawalang-saysay ng Comelec sa pagkapanalo ni Governor Henry Teves.


Dagdag pa ng tagapagsalita, naging ‘trend’ at inaabangan ng publiko ang pagsulpot ng ‘nuisance candidates’ tuwing halalan, kaya kailangan na umanong patawan ng parusa ang mga ito tulad ng kulong at multa.


Tuwing eleksyon, may tumatakbo umanong kapangalan o katunog ng pangalan ng mga lehitimong kandidato, kung saan layon ng mga ito na gawing katatawanan ang eleksyon.

Tulad ng nabanggit, naging trend o nauso ang mga nuisance candidates tuwing halalan, ang masaklap pa, may mga nakakalusot at talagang nakakapambiktima.


Marahil, hindi na sapat ang ginagawang pagsala ng komisyon sa mga kandidato.


Ang siste, natatanggal sa listahan ng mga kandidato ang panggulo, pero hanggang doon lang at may mga umuulit pa sa sumunod na eleksyon.


Naniniwala tayong panahon na para parusahan ang mga manggugulo sa halalan para hindi umulit at tularan. Kung may masasampolan, magtatanda ang mga pasaway na ito.


Hangad nating magsilbi itong babala at paalala na dapat seryosohin ang halalan dahil hindi ito para sa katatawanan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page