NPA raw siya, general idedemanda… PARLADE, PALPAK! – ANGEL

ni Janiz Navida @Showbiz Special | November 1, 2020

"Hindi po ako NPA. Hindi po ako naging Npa. I've never been an NPA," ang matapang at diretsong pahayag ni Angel Locsin nang sa unang pagkakataon ay nagsalita siya sa DZMM program na Omaga Diaz Report ni Henry Omaga Diaz kaugnay ng red-tagging/accusation sa kanya ni Lt. General Antonio Parlade, Jr. na kalaban siya at ang kanyang pamilya ng pamahalaan.
Emosyonal na Angel Locsin ang humarap sa naturang interview, na ayon nga sa aktres, pasensiya na raw kung 'kargado' siya, dahil obviously, gustong pumutok ng galit ni Angel laban sa heneral na patuloy na idinidiin ang kanyang pamilya at ayaw diumanong linisin ang kanilang pangalan sa pagsangkot sa kanila sa NPA.
Pero kahit emosyonal, isa-isang sinagot ni Angel ang lahat ng tanong ni Henry at wala siyang pinalampas na linawin, dahil ang katwiran niya, nagsasabi siya ng katotohanan at wala siyang itinatago kaya wala siyang dapat ikatakot.
Unang nilinaw ni Angel ay ang mga ebidensiya umanong hawak ni Gen. Parlade na nag-uugnay sa kanya sa grupong NPA. Ito ay ang mga larawan ng aktres na kuha sa mga liblib na lugar na pinuntahan niya nu'ng year 2009 katulad ng Surigao kung saan makikitang nagsagawa siya ng humanitarian activities.
"'Yung mga pictures na sinasabing ebidensiya ay galing din po sa amin. Bakit po namin ilalabas ang mga pictures na 'yun kung alam naming ikapapahamak namin? Kuha po 'yun nu'ng 2009. Du'n po ba niya nakuha ang mga ebidensiya niya, sa internet?" pasarkastikong tanong ni Angel kay Gen. Parlade.
Legal daw at may basbas-permit ng DECS ang pagpunta niya sa malalayong lugar para makatulong sa mga batang mag-aaral na ni walang upuan sa loob ng classroom. Mga madre raw ang nag-imbita sa kanya at dahil gusto niyang makita at malaman ang tunay na sitwasyon ng bansa at ng mga kababayan nating mahihirap kaya ginagawa niya ang pagtulong.
At kahit nga raw ang mismong AFP na kinabibilangan ni Gen. Parlade ay nakatanggap ng tulong mula sa kanya nu'ng mamigay siya ng mga face mask nu'ng lockdown.
So, kung pinalalabas daw palang terorista siya, ibig bang sabihin ay tumatanggap ang AFP ng tulong o donasyon mula sa isang terorista?
Pangalawang nilinaw ni Angel ay ang pilit na pag-uugnay ni Gen. Parlade sa kanyang kapatid na si Ella sa NPA group.
Ayon sa aktres, kaya siya nag-post sa kanyang Instagram ng transcript of records ng kanyang ate sa Philippine Christian University ay para patunayang mali ang akusasyon ni Gen. Parlade na nu'ng mga taong 2005-2006 na sinasabi nitong nasa underground ng Quezon si Ella ay 'yun ang mga panahong nag-aaral ito sa PCU.
Dagdag pa ni Angel, mali-mali raw at puro palpak ang mga dates at information na sinasabi ni Gen. Parlade, na kapag naglalabas naman ng ebidensiya ang kampo ng aktres ay biglang iibahin daw ng heneral ang sinasabi nitong impormasyon sa media.
Mariing hamon pa ni Angel kay Gen. Parlade, "Kung may sapat silang ebidensiya, bakit hindi nila kami idemanda? Idemanda po nila kami kung sure na sure sila. Pero hindi, eh, ang gusto nila, sirain kami sa social media. So, ano'ng motibo?"
Pakiramdam ni Angel, gusto lang ng media mileage o tamang pasikat ang heneral kaya siya at ang kanyang pamilya ang pinag-iinitan at tina-target sa red-tagging.
Kaya ang naiinis na hirit ni Angel, "General siya, 'di siya puwedeng humarap sa media na iba-iba ang sinasabi niya. Naninirang-puri siya."
Pati nga raw ang simpleng impormasyon ng relasyon nila ni Cong. Neri Colmenares (na puwede naman daw i-Google) na pamangkin niya at hindi tiyuhin ay sumablay pa rin ang intelligence report ng mga tauhan ni Gen. Parlade.
Kaya ang sabi ni Angel, sayang daw ang malaking pondo na inilalaan sa departamentong hawak ni Gen. Parlade kung puro sablay, palpak at mali-mali ang mga akusasyon nito laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Naiintindihan daw ni Angel na ginagawa lang ni Gen. Parlade ang kanyang trabaho at gusto nitong makatulong sa bayan, pero aniya, "Sir, mali po ang sistema ninyo, mali po ang inyong paraan. At naniniwala po ako, Sir, kung sinuman ang pinapakinggan ninyo, mali po ang sinasabi sa inyo."
Naniniwala rin daw si Angel na matagal nang nagsasagawa ng surveillance sa pamilya niya ang grupo ni Parlade.
"Ilegal po 'yun. Makukulong po sila diyan. At para sa akin, pang-aabuso po ito ng kapangyarihan."
Nilinaw din niyang wala siyang balak tumakbo sa pulitika kung isa ito sa mga dahilan kaya siya pinag-iinitan ngayon.
"Uulitin ko po, di ako tatakbo," pramis ni Angel.
At dahil sa mga akusasyon sa kanya, posible raw na hindi muna siya lumabas at makagawa ng charity works dahil nag-aalala rin siya para sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya.
Nang matanong ni Henry Omaga-Diaz kung ano ang move niya kapag hindi nilinis ni Gen. Parlade ang kanyang pangalan sa red-tagging, sagot ni Angel ay kinokonsidera na ng kanyang legal team ang pagsasampa ng kaso laban sa heneral.
Samantala, bago matapos ang interbyu, diretsahan ding sinabi ni Angel na hindi siya miyembro ng Communist party at hindi raw nangangahulugan na dahil kasama niya sa larawan ang ilang miyembro ng Gabriela o ilang taong nauugnay sa komunista ay pareho na sila ng paniniwala at sinusuportahan na niya ito.
Well, sana nga lang ay matapos na ang isyung ito at maitama na ang mga naging pagkakamali dahil sabi nga ni Angel, hindi sila kalaban ng pamahalaan at inaasahan niya ang gobyerno ang poprotekta at hindi sisira o magpapahamak sa bawat mamamayan.





Comments