top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Nowitzki, Parker at Gasol una sa Naismith Basketball HOF

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 4, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 4, 2023




Inilabas na ang mga pinakabagong kasapi ng Naismith Basketball Hall of Fame sa pangunguna ng mga NBA champion Dirk Nowitzki, Tony Parker, Pau Gasol, Dwyane Wade at Coach Gregg Popovich at Becky Hammon ng WNBA. Pormal silang iluluklok sa seremonya sa Agosto 12 sa Springfield, Massachusetts.


Si Nowitzki ang 2007 MVP at mahalagang bahagi ng nag-iisang kampeonato ng Dallas Mavericks noong 2011. Kasama si Parker sa apat na kampeonato ng San Antonio Spurs noong 2003, 2005, 2007 kung saan siya ang Finals MVP at 2014.


Nagwagi ng dalawang magkasunod na kampeonato si Gasol sa Los Angeles Lakers noong 2009 at 2010. Tatlong beses naging kampeon si Wade para sa Miami Heat noong 2006 kung saan siya rin ang Finals MVP, 2012 at 2013.


Si Coach Popovich ay naghatid ng limang kampeonato sa San Antonio, may pinakamaraming panalo ng isang coach sa kasaysayan ng NBA (1,363) at ginabay ang Team USA sa ginto sa Tokyo 2020 Olympics. Nakilala si Hammon sa kanyang 16-taon karera sa WNBA mula 1999 hanggang 2014 para sa New York Liberty at San Antonio Stars, naging unang babaeng assistant coach sa NBA sa Spurs at kasalukuyang head coach ng WNBA champion Las Vegas Aces.


Sina Gasol ng Espanya, Parker ng Pransiya at Nowitzki ng Alemanya ay patunay ng paglawak ng NBA sa buong daigdig sa nakalipas na dalawang dekada. Kahit ipinanganak na Amerikana, naging mamayanan ng Russia si Hammon at kinatawan ang kanyang bagong bansa sa Beijing 2008 at London 2012 Olympics.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page