Nowitzki at Scola, nagulat sa pakikitungo ng mga Pinoy
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 3, 2023

Nagpahiwatig ng tuwa sa natamasang pakitutungo ng mga tagahangang Filipino sina Dirk Nowitzki at Luis Scola. Dumalaw ang dalawang alamat sa bansa upang maging bahagi ng 2023 FIBA World Cup Draw na ginanap noong Sabado sa Araneta Coliseum.
Ito ang unang pagkakataon na dumating sa Pilipinas ni Nowitzki ang 2007 NBA MVP at bagong halal na kasapi ng Naismith Hall of Fame ngayong taon. Pangalawang bisita na ito ni Scola na naglaro para sa Indiana Pacers laban sa Houston Rockets sa unang opisyal na NBA preaseason game sa MOA Arena noong Oktubre 10, 2013.
Nagulat si Nowitzki na naaalala pa siya ng mga Pinoy at maraming tagahanga ang Dallas Mavericks, ang nag-iisang prangkisa na pinaglaruan niya mula 1998 hanggang 2019.
Nabunot ang kanyang Alemanya sa Grupo E at maglalaro sila kalaban ang Finland, Australia at co-host Japan.
Naniniwala si Nowitzki na maganda ang ipapakita ng kanyang mga kababayan lalo na kung maglalaro ang kanilang mga NBA player tulad nina Dennis Schroder ng Los Angeles Lakers, Maxi Kleber ng Mavs, Daniel Theis ng Pacers at magkapatid na Franz at Moritz Wagner ng Orlando Magic. Nagagalak din siya at ginawad sa Alemanya ang pagiging host ng 2026 FIBA Women’s World Cup.
Para kay Scola, iba talaga ang pakiramdam na tawagin ang kanyang pangalan upang magsilbi sa Argentina subalit sa kasamaang palad ay hindi nakapasok sa parating na World Cup. Kinatawan niya ang bansa sa limang Olympics at apat na FIBA World Cup sa loob ng 20 taon at ngayon ay nagsisilbing FIBA World Cup Global Ambassador.
Hindi nagpaunlak ng panayam ang isa pang dumating na alamat na si Yao Ming ng Houston Rockets at Tsina sa mga piling mamahayag kasama ang BULGAR Sports.





Comments