Noon, ‘Pork’ ng mga Sen. at Cong., milyones lang, pero ngayon bilyones na!
- BULGAR
- Mar 7, 2024
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Marso 7, 2024
KUNG NASA SENADO SI EX-SEN. LACSON, HINDI MAILULUSOT NG MGA SEN. AT CONG. ANG BILYONES NILANG PORK BARREL -- Sa interview ni Radyo 5 host na si Ted Failon kay former Sen. Ping Lacson noong Feb. 20, ay kung ano ang maitatawag sa P176 billion na isiningit ng Kamara sa national budget ngayong year 2024 sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH), ay walang kagatul-gatol na sinabi ng dating senador na “pork barrel” daw iyon, at pagkaraan ay sinabi ni Lacson na kahit daw sa Senado ay may nakuha siyang impormasyon na may P160 billion din itong pang-pet projects o pork barrel, na kapag dinivide daw sa 24 senators ay automatic na may tig-P6.6 billion ang bawat isang senador.
Sa totoo lang tayo, isa si ex-Sen. Lacson na kilalang anti-pork barrel ang dapat ibalik ng mamamayan sa Senado, kasi kung nasa Senate na siya uli ay siguradong hindi mailulusot ng mga pork barrel politicians ang ganyang nakakalulang bilyun-bilyong pork barrel funds, period!
◘◘◘
KAYA PAHIRAP NANG PAHIRAP ANG PAMUMUHAY SA ‘PINAS KASI BILYONES NA ANG ‘PORK’ NG MGA SEN. AT CONG. -- Kung totoo ‘yan, na ang Kamara ay may P176 B at ang Senado ay may P160 B na pang-pet projects o pork barrel, ay hindi na dapat magtaka ang mamamayan kung bakit baon sa utang ang ‘Pinas at pahirap nang pahirap ang pamumuhay ng mamamayan.
Hay naku, kaya naman pala sa Senado at Kamara panay ang pabida ng mga sen. at cong. ay para du’n mapokus ang atensyon ng publiko at hindi sa mga nakakalula nilang pet projects o pork barrel funds, boom!
◘◘◘
DATI P200 M LANG ANG ‘PORK’ NG MGA SEN. AT P70 M LANG ANG ‘PORK’ NG MGA CONG., NGAYON BILYONES NA ANG USAPAN -- Ayon pa kay ex-Sen. Lacson na noon daw na hindi pa idinedeklara ng Supreme Court (SC) na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga senador at kongresista, ang pork barrel funds lang daw yearly ay P200 M sa mga sen. at P70 M sa mga cong. at natigil lang ang kalakarang ‘yan sa Senado at Kamara nang ipagbawal na ng SC ang PDAF matapos na pumutok ang pork barrel scam ni Janet Napoles na kinasangkutan ng mga senador at kongresista.
Ngayon daw ay talagang nakakagulat, kasi sabi ni ex-Sen. Lacson, base nga sa nakuha niyang impormasyon ay bilyones na ang usapan sa pang-pet projects o pork barrel ng mga mambabatas, tsk!
◘◘◘
KAPAG DUMATING ANG PANAHON, SINUMAN KINA EX-SEN. LACSON AT MAYOR MAGALONG ANG MAGING PRESIDENTE, ‘PORK’ SA SENADO AT KAMARA TIYAK STOP NA! -- Hindi lang si ex-Sen. Lacson ang anti-pork barrel, kundi pati si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na last year ay talagang pinutakti niya ng atake ang mga pork barrel politician na nagkakamal daw sa kaban ng bayan, kasi may mga mambabatas daw na 20% to 40% ang hinihinging kick-back sa kontratista, at may mga lawmaker din daw na sila na ang kontratista, ay sila pa ang supplier sa mga pork barrel project.
Sa totoo lang, kung sakali na dumating ang panahon na sinuman kina ex-Sen. Lacson at Mayor Magalong ang maging presidente ng ‘Pinas ay malaki ang posibilidad na hindi na maghirap ang bayan at ang mamamayan, kasi sigurado ang kalakarang pork barrel sa Senado at Kamara ay tiyak mai-stop na, period!





Comments