Mga bebot na customs officials, wa' lusot
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 26, 2022
ANIM NA CUSTOMS OFFICIALS SA PORT OF SUBIC, DAPAT KASUHAN AT I-LIFESTYLE CHECK—Dahil sa nabulgar na sugar smuggling ay agad iniutos ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. kay Customs Commissioner Yogi Felimon Ruiz na sibakin ang anim na opisyal ng Port of Subic.
Ang mga sinibak ay sina District Collector Maritess Martin, Assessment Division chief Belinda Lim, Deputy Collector for Assessment Maita Acevedo, Deputy Collector for Operations Giovanni Leynes, Enforcement Security Service Commander Vincent Mark Malasmas at Customs Intelligence and Investigation Supervisor Justice Roman Geli.
Teka, bakit sibak lang? Dapat sa mga 'yan ay sampahan ng kaso at isailalim sa lifestyle check.
◘◘◘
PATI MGA BEBOT NA CUSTOMS OFFICIALS, SUMASABIT NA SA KATIWALIAN—Sa anim na sinibak na taga-Port of Subic, tatlo sa mga ito ay babae at sila ay sina District Collector Maritess Martin, Assessment chief Belinda Lim at Deputy Collector Maita Acevedo.
Ibang klase na talaga panahon ngayon, noon ay kelot na Customs officials lang ang nasasangkot sa mga katiwalian sa Adwana, pero ngayon, pati bebot na Customs officials ay sumasabit na.
◘◘◘
AKALA NG MGA TAGA-MAYNILA PORKE BABAE NA ANG MAYOR NILA AY MATITIGIL NA ANG ILLEGAL GAMBLING, HINDI PALA AT LALO PANG LUMALA—Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lang nagkaroon ng babaeng alkalde ng Maynila at hindi lang basta babae, kundi doktora pa.
Dahil dito ay buong akala ng mga taga-Maynila ay matitigil na ang operasyong raket na bookies nina "Boy Abang" at "Lorna" sa lungsod, pero 'yun pala ay hindi rin at ang matindi ay mas lalo pang lumawak ang illegal gambling operations sa Maynila.
Isa lang ang ibig sabihin nito, na tulad ng mga naging lalaking alkalde ng Maynila ay "nganga" rin si Mayora Honey Lacuna sa panraraket nina "Boy Abang" at "Lorna".
◘◘◘
POLICE GENERAL AT MAYORA NG MAYNILA, PAREHONG 'NGANGA' SA RAKET NINA 'BOY ABANG' AT 'LORNA'—Ngayong bago na rin ang police director ng Manila Police District (MPD) sa katauhan ni B/Gen. Andre Dizon, inaabangan na ng mga taga-Maynila kung may gagawin itong aksyon para ipa-"tokhang" sina "Boy Abang" at "Lorna."
Kapag walang aksyong ginawa si Gen. Dizon, ibig sabihin ay dalawa na sila ni Mayora Honey Lacuna na "nganga" sa raket ng dalawang gambling lord na ito sa Maynila.





Comments