top of page
Search
  • BULGAR

Noon, ayaw ng Marcos loyalists kay ex-VP Leni, ngayon gusto na, eh ‘di wow!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 22, 2024



LAGOT KAY EX-P-DUTERTE ANG MGA UMAATAKE KAY VP SARA KAPAG NAGING PRESIDENTE ANG BISE PRESIDENTE -- Matapos sabihin ni First Lady Liza Araneta-Marcos na bad shot na sa kanya si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio dahil nagawa pa nitong tumawa matapos atakehin at sabihin ng kanyang amang si ex-P-Duterte na adik at bangag sa cocaine ang kanyang mister na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM), ilang alkalde at kongresista ang umatake sa bise presidente na kesyo kung may delicadeza raw ito ay dapat mag-resign na bilang kalihim ng Dept. of Education (DepEd).


Sa totoo lang, itong mga mayor at cong. na nananawagan sa bise presidente na mag-resign siya sa DepEd ay kapag nabaligtad ang sitwasyon at naging presidente ito (VP Sara), lagot sila kay ex-P-Duterte, abangan!


XXX


MGA MARCOS LOYALIST AT DDS NA HINDI BUMOTO KAY EX-VP LENI, GUSTO NA NILA NGAYON ANG DATING BISE PRESIDENTE -- Dahil sa banggaan nina PBBM at ex-P-Duterte, iyong mga Marcos loyalist at Duterte Diehard Supporters (DDS) na hindi bumoto kay former VP Leni Robredo ay biglang naging gusto na nila ang dating bise presidente.


Mayroon kasing mga post sa social media mula sa mga Marcos loyalist na “sana raw ay si ex-VP Leni na ang maging DepEd secretary” at mayroon ding post sa social media na mula naman sa mga DDS na “sana raw ay si ex-VP Leni” ang nanalong presidente, period!


XXX


KAPAG ANG MGA SIKAT NANALONG SENADOR, PABIDA LANG ANG GAGAWIN PERO SA PAGGAWA NG BATAS PARA SA KAPAKANAN NG BAYAN AT MAMAMAYAN ‘NGANGA’ -- Sa darating na 2025 midterm election ay may mga celebrity na gagamitin ang kanilang kasikatan para lumahok sa senatorial election.


Panawagan natin sa ating mga kababayang botante na ibasura ang mga ito sa eleksyon kasi kapag nanalo ang mga ‘yan ay mga pabida lang ang gagawin sa Senado, pero pagdating sa paggawa ng mga panukalang batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan ay mga “nganga,” boom!


XXX


MGA VLOGGER, WINAWALANGHIYA ANG KANILANG FOLLOWERS SA PAGKUMBINSING TUMAYA SA ILLEGAL ONLINE GAMBLING -- Sangkaterbang vlogger ang gagawa ng content at kapag tapos na ang ginawa nilang content ay isisingit at ipu-promote na ang pagtaya sa mga ineendorso nilang illegal online gambling (siyempre bayad sila ng mga gambling lords) na kesyo madali lang daw tumama at magkapera rito.


Dapat tandaan ng mga followers ng mga vlogger na ito na winawalanghiya lang sila ng mga vlogger na ito, kasi sa totoo lang ay walang nananalo sa sugal, mauubos lang ang pera nila sa katataya gamit ang GCash, pero never silang mananalo sa anumang sugal sa social media, period!



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page