top of page
Sen. Robin Padilla - FB.jpg

Non-stop taas-presyo sa gas at bilihin, taumbayan kapit lang!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28, 2024
  • 2 min read

@Editorial | Enero 28, 2024


May nakaambang taas-presyo na naman sa mga produktong petrolyo ngayong linggo na maaaring umabot sa mahigit dalawang piso.


Ito na ang magiging ikaapat na sunod na linggong tataas ang presyo ng petrolyo.


Matatandaang, noong nakaraang Martes, tumaas ng hanggang mahigit piso rin ang presyo ng gasolina.


Ngayong Enero, umaabot na sa P1.60 per liter ang nadagdag sa presyo ng gasolina at diesel, habang P0.40 per liter naman sa kerosene.


Samantala, inaprubahan naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang taas-presyo sa ilang pangunahing bilihin sa bansa.


Bagama’t 63 na iba pang produkto ang nakabinbin na hinihiling ng mga manufacturer na payagang itaas ang Suggested Retail Price (SRP).


Kabilang sa inaprubahan na noong Enero 17, ang taas-presyo sa apat na brand ng sardinas, isang powdered milk at apat na brand ng toilet soap. Nasa P2 hanggang P3.59 ang pinayagang taas-presyo sa sardinas habang P3.60 hanggang P6 sa powdered milk at P1.50 hanggang P4 sa sabong pampaligo.


Napag-alaman na dalawang pagtaas ng SRP na ang inaprubahan ng DTI ngayong buwan mula sa 63 petisyon ng mga manufacturer noon pang nakaraang taon.Siyam ang inaprubahan noong Enero 12 at may inaprub muli nitong Enero 17.


Kaugnay nito, sinusuri pa ng DTI ang mga petisyon para sa pagtaas ng SRP ng 45 pang produkto.


Matatandaang, may petisyon din mula sa mga bakery na itaas ang SRP ng tinapay ng P2 hanggang P2.50 kada piraso na matatagalan pa dahil hindi pa nakukuha ng DTI ang mga dokumento tungkol dito. Habang P3.50 hanggang P6 naman ang hinihinging taas sa SRP ng gatas, 30 sentimo hanggang P1.75 naman sa instant noodles, P1-P6 sa bottled water, P6-P30 sa kandila, at P6-P33 naman sa processed canned meat. At sa Marso umano target maaprubahan ang taas-presyo sa lahat ng 63 produkto.


Nangangahulugan ito na kailangan talagang maghigpit ng sinturon, mas galingan ang pagba-budget at mag-isip ng paraan kung paano madaragdagan ang kita para makasabay sa walang tigil na dagdag-presyo ng mga bilihin.


Sana, magkaroon din ng mga oportunidad para sa dagdag-trabaho at pangkabuhayan.

 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page