top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap

Non-showbiz GF, nagpa-ultrasound, positive… ENRIQUE GIL, NAKABUNTIS DAW, TAMEME

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 days ago
  • 5 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 13, 2026



SPECIAL - ENRIQUE GIL, NAKABUNTIS DAW, TAMEME-FB Circulated

Photo: Circulated / Enrique Gil / Andrea Brown



Marami na ang naghihintay sa sagot ni Enrique Gil sa kumakalat ngayong balita na diumano ay malapit na siyang maging ama.


Unang pinag-usapan ang tungkol sa isyung ito sa vlog ng showbiz reporter-TV host-talent manager na si Ogie Diaz.


Ayon kay Ms. O (tawag namin kay kapatid na Ogie), may source raw kasi siyang nagtsika na nagpa-ultrasound ang sinasabing non-showbiz girlfriend ni Enrique at positive raw ang lumabas.


Dagdag pang chika ng talent manager, nasa sasakyan lang daw si Quen (palayaw ni Enrique) at du’n naghihintay sa girl habang nagpapa-checkup, ayon diumano sa source niya.


After ng hiwalayan nila ni Liza Soberano, ang non-showbiz na si Andrea Brown ang maingay na rumored girlfriend ngayon ni Enrique Gil.


Bagama’t wala pang pag-amin mula sa dalawa, obyus naman daw sa kanilang palitan ng mensahe sa social media na may something talaga sa kanila.


If true na magiging tatay na si Quen, wala naman sigurong masama dahil 34 yrs. old na ito at financially stable na rin naman.





CLAUDINE, UMAMING PAMILYA COSME ANG KARAMAY SA PINAGDARAANAN



CLAUDINE, UMAMING PAMILYA COSME ANG KARAMAY SA PINAGDARAANAN
CLAUDINE, UMAMING PAMILYA COSME ANG KARAMAY SA PINAGDARAANAN


BLOOMING si Claudine Barretto nang makapanayam namin sa grand mediacon kamakailan ng Home Along Da Riles: Da Reunion movie na ginanap sa Makabagong San Juan, National Government Center.


Sakto na ang timbang ni Clau, hindi mataba, hindi rin sobrang payat, at mukhang masayang-masaya siya lalo’t kasama ang mga itinuturing niyang ‘kapamilya’ na rin, ang pamilya Cosme, na nagsimula sa kanilang sitcom noon na Home Along Da Riles, na siyempre pa ay pinangunahan ng the late Comedy King na si Mang Dolphy Quizon.


Aminado si Claudine na mahirap magpatawa habang ginagawa nila ang pelikulang ito dahil nu’ng mga panahong ‘yun ay marami siyang pinagdaraanan sa kanyang personal na buhay at kasama na nga riyan ang pagpanaw ng kanyang mga magulang.


Pero dahil daw ang pamilya Cosme – na kinabibilangan nina Nova Villa, Smokey Manaloto, Gio Alvarez, Vandolph Quizon at Boy 2 Quizon – ang kasama niya habang ginagawa nila ang Home Along Da Riles: Da Reunion, ang gaan-gaan at ang saya-saya para kay Claudine ng shooting at natapos nga nila nang maayos ang pelikula na finally ay maipapalabas na sa June 17 sa mga sinehan.


Inamin din ni Claudine na ang mga gumanap na kapatid niya sa movie ang siya ring naging karamay niya sa mga down moments ng buhay niya. Kung wala raw ang pamilya Cosme ay hindi niya alam kung paano niya malalagpasan ang mga pinagdaanan niya.


Anyway, proud si Claudine na muli silang nabuo at mapapanood sa pelikula at sure rin daw ang cast ng movie na magiging proud din si Mang Dolphy para sa kanilang lahat.


Mula sa direksiyon ni Boy2 Quizon ang HADRDR at produced ng kanyang Riles Production katuwang ang TJAV Productions, Inc..





JOHN, RIO, EDGAR AT JANICE, 9TH EDDYS ICONS





APAT na respetadong icons sa Philippine cinema ang muling pararangalan sa ika-siyam na edisyon ng Society of Philippine Entertainment Editors’ (SPEEd) The Eddys na gaganapin sa Hulyo 5 sa Ceremonial Hall ng Newport World Resorts sa Pasay City.


Sa pagpapatuloy ng tradisyon nito na pagkilala sa mga gumawa ng pangmatagalang kontribusyon sa lokal na paggawa ng pelikula, igagawad ng The Eddys ang 2026 Movie Icon Award kina John Arcilla, Edgar Mortiz, Rio Locsin at Janice de Belen.


Kinikilala ng parangal ang kanilang dedikasyon sa kanilang propesyon at ang malaki nilang kontribusyon sa pagpapataas ng pamantayan ng mga pelikulang Pilipino.


Ibibigay din ang Isah V. Red Award sa mga indibidwal na nagbibigay-inspirasyon at tumutulong sa kapwa Pilipino sa pamamagitan ng makabuluhang mga hakbangin, habang ang Joe Quirino Award at Manny Pichel Award, ay kumikilala sa mga natatanging miyembro ng entertainment media.


Ang mga tatanggap ng Isah V. Red Award ngayong taon ay ang corporate leader at pilantropo na si Chaye Cabal Revilla at ang aktor na si Donny Pangilinan.

Si Chaye Cabal Revilla, Executive Director at Chief Finance, Risk and Sustainability Officer ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), ay kinikilala bilang founding chair ng Gabay Guro, isa sa pinakamalaki at pinakamatagal na programa na ang adbokasiya ay edukasyon para sa mga guro sa bansa. Isang flagship initiative ng PLDT-Smart Foundation, ang Gabay Guro ay gumugol ng halos dalawang dekada sa pagsuporta sa mga Filipino educators sa pamamagitan ng scholarships, training at iba pang welfare programs.


Naging inspirasyon din si Cabal Revilla sa maraming personalidad mula sa entertainment industry para itaguyod ang layunin sa pamamagitan ng kanilang paglahok sa taunang Grand Gathering and Teachers’ Tribute ng Gabay Guro.

Samantala, nakamit ni Donny Pangilinan ang pagkilala matapos magkaroon ng inisyatibo na magbigay ng diskwento sa diesel sa kanilang family-owned gas station sa Cavite sa panahon ng krisis sa langis noong Marso, na tumulong sa mga motorista na makayanan ang pagtaas ng presyo ng gasolina.


Ang Joe Quirino Award ay ibibigay sa direktor at songwriter na si Joven Tan, na matagumpay na nakagawa ng pangalan mula sa entertainment journalism tungo sa paggawa ng pelikula at nakapagdirek ng higit sa isang dosenang pelikula.


Ang Manny Pichel Award ay ipagkakaloob sa television reporter na si Lhar Santiago bilang pagkilala sa kanyang ilang dekada nang kontribusyon sa entertainment journalism. Si Santiago ay editor ng tabloid na “Masa” noong 1980s at nagsulat din ng entertainment column para sa The Manila Times.


Habang naghahanda para sa nalalapit na Gabi ng Parangal, masusing isinasagawa ang proseso ng screening at deliberasyon ng SPEEd upang matukoy ang mga nominado ngayong taon. Regular na nagtitipon ang mga miyembro ng organisasyon sa Luxent Hotel sa Quezon City, ang official screening venue partner ng The Eddys, kung saan ang mga pelikulang ipinalabas sa panahon ng eligibility ay maingat na tinitingnan, sinusuri at tinatalakay bago ihayag ang huling listahan ng mga nominado.


"Ang Eddys ay taunang pagpaparangal sa mga taong ang passion at dedikasyon ay makatulong sa paghubog ng pelikula sa Pilipinas. Ang mga tumatanggap ng Movie Icon Award ngayong taon ay gumugol nang ilang dekada upang bigyang-buhay ang mga hindi malilimutang kuwento at karakter," sabi ni SPEEd President Tessa Mauricio-Arriola.


"Ang aming mga special awardees, sa kabilang banda, ay gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa loob at labas ng industriya ng entertainment. Sa pamamagitan ng mga pagkilalang ito, ipinagdiriwang namin ang kahusayan, serbisyo, at ang pangmatagalang epekto ng ginawa ng mga indibidwal na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino," dagdag niya.


Bukod sa mga espesyal na pagkilala, ang The Eddys ay magtatanghal ng 14 acting at technical awards na pinili mula sa mga pelikulang ipinalabas sa mga sinehan at sa mga digital platform sa panahon ng eligibility.


Ang Eddys ay isang taunang kaganapan na kumikilala sa mga nagawa at kontribusyon ng mga filmmakers, aktor, manunulat, direktor at producer sa industriya ng pelikulang Pilipino. 


Itinatag noong 2015, ang SPEEd ay isang non-profit na organisasyon na binubuo ng mga entertainment editors mula sa mga pambansang broadsheet, nangungunang tabloid at mga pangunahing online na portal ng balita.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page