‘No vax, no ride’ policy, pabor sa mga colorum PUVs
ni Ryan Sison - @Boses | January 14, 2022
Kasabay ng pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy sa National Capital Region (NCR), nagbigay-babala ang isang grupo ng mga komyuter.
Ayon sa grupo, posibleng mapilitan ang mga komyuter na tangkilikin ang mga colorum na sasakyan dahil karamihan sa mga ito ay hindi sumusunod sa health protocols na itinatakda ng national government.
Dagdag pa ng grupo, sa ngayon ay pumapalo sa 12,000 ang bilang ng pumapasadang colorum na sasakyan at sa dami nito, posibleng dito na lamang sumakay ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19, na maaaring pagmulan ng mas matinding hawahan ng sakit.
Matatandaang Enero 11, 2022, nang inilabas ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang Department Order No. 2022-001 na nagsasabing, tanging fully vaccinated lamang ang papayagang makasakay sa PUVs sa NCR sa ilalim ng Alert Level 3 o mas mataas pa.
Bagama’t nauunawaan nating nais lamang ng pamahalaan na maprotektahan ang mga kababayan nating hindi pa bakunado, nakalulungkot dahil limitadung-limitado talaga ang kanilang galaw.
Ang problema ng iba, paano makakapaghanapbuhay kung hindi papayagang makasakay sa PUVs? Kaya ang ending, kapit sa ilegal para makakayod at ang masaklap, mas nailalagay sila sa panganib, gayundin ang mga kapwa komyuter.
Ang tanong tuloy natin sa pamahalaan, ano’ng mas gusto natin, ang pagbawalan sila sa mga PUV o hayaan ang mga ito na gumawa ng ilegal para lang makapaghanapbuhay?
Kung tutuusin, hindi naman lahat sila ay pasaway, no choice lang ang karamihan dahil kailangang kumayod para maitaguyod ang pang-araw-araw.
Habang ang gusto nating lahat ay makaligtas sa sakit, ikonsidera rin natin ang mga ganitong sitwasyon.
‘Ika nga, hindi madali ang problema na dala ng panibagong surge, pero hangad natin na talagang makatutulong sa sitwasyon ang mga ginagawa nating hakbang upang labanan ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments