“No booster, no entry”, kayang ipatupad pero kailangan ba?
ni Ryan Sison - @Boses | April 2, 2022
Sa gitna ng pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna kontra COVID-19, partikular ang booster shot, iminungkahi ni Presidential adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion na gawing requirement ang booster card upang mapahintulutang makapasok ang isang tao sa mga enclosed establishment sa bansa mula sa Hunyo.
Paliwanag ng opisyal, layunin ng mungkahing ito na makatulong sa pagpapabilis ng pagbabakuna ng booster sa bansa, gayundin upang maiwasang ma-expire at masayang ang mga stock ng bakuna.
Giit pa nito, bagama’t hindi pa nakikita ngayon ang panganib ng hindi pagpapa-booster shot, maaari itong muling maramdaman ‘pag humina na ang immunity, kasabay ng pag-usbong ng mga bagong variant ng COVID-19.
Samantala, binigyang-linaw na hindi ito agad ipatutupad. Kung siya umano ang tatanungin, sapat na ang dalawa’t kalahating buwan o hanggang Hunyo upang mapaghandaan ito ng publiko at makapagpabakuna, lalo na ngayong maraming supply ng bakuna sa bansa.
Marahil, maraming dahilan para magpa-booster shot kontra COVID-19, pero tulad ng palagi nating sinasabi, kailangan nating ipaunawa ito sa taumbayan.
At sa kabila ng layunin nating matiyak na walang suplay ng bakuna na masasayang, ang tanong, kailangan ba talaga itong gawing mandatory? Ang isa pang tanong, ano naman ang reaksiyon ng taumbayan sa mungkahing ito?
Batid nating marami pa ring natatakot dahil ayaw nang maulit ang naranasang side effects ng dalawang dose ng bakuna, kaya kung kinakailangan ang tulong ng mga doktor upang maipaliwanag ang kahalagahan ng booster, magpatulong tayo.
Marami pang mga dapat pag-aralan at tutukan. Kaya kailangan nating maging maingat sa mga nais nating ipatupad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments