top of page

'No bail' warrant, binawi ng korte... Jay Sonza, laya na sa P10K piyansa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 52 minutes ago
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | May 4, 2026



Jay Sonza - Atty. Mark Tolentino

Photo: FB Atty. Mark Tolentino



Pinayagang makapagpiyansa ang dating broadcaster na si Jay Sonza matapos amyendahan ng Pasay City Court ang naunang desisyon na nagklasipika sa kanyang kaso na walang piyansa. 


Ayon sa abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino, binago ng hukuman ang naunang ruling kaugnay ng kasong Unlawful Publication, kaya maaari na itong piyansahan.


Sinabi rin niyang agad silang kikilos upang mapalaya ang kanyang kliyente.

Gayunman, inamin ni Tolentino na naantala ang agarang pagpapiyansa dahil sa timing ng utos ng korte.


“Dahil hindi working day ngayon at sarado ang mga korte, magpo-post kami ng piyansa bukas ng umaga para sa agarang paglaya ni G. Sonza,” ani Tolentino. 

Inaresto si Sonza noong Huwebes sa kanyang bahay sa Quezon City ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon sa online.


Isinagawa ang pag-aresto batay sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 118 sa Pasay City, na una’y nagklasipika sa kaso bilang non-bailable.

Batay sa imbestigasyon, nahaharap si Sonza sa mga kasong may kaugnayan sa cybercrime kaugnay sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyong medikal patungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.


Kabilang sa mga isinampang kaso ang Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, na inamyendahan at kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.


Nag-ugat ang kaso sa imbestigasyon ng NBI Cybercrime Division noong Enero 2026, kung saan tinukoy si Sonza bilang isa sa mga umano’y nagpakalat ng hindi beripikado at mapanlinlang na impormasyon tungkol sa Pangulo.


Iginiit naman ng kampo ni Sonza na mula pa sa simula ay dapat nang piyansahan ang naturang kaso.


“Mula sa umpisa, pinaninindigan namin na ang kasong isinampa ay maaaring piyansahan bilang karapatan, at pinagtibay ito ng pinakahuling aksyon ng korte,” pahayag ni Tolentino.

Binatikos din ng abogado ang naunang paglalabas ng warrant na hindi pinapayagang makapagpiyansa, na aniya’y isang pagkakamali sa legal na proseso.


Dagdag pa ni Tolentino, ginagawa na nila ang lahat ng hakbang upang matiyak ang agarang paglaya ni Sonza sa sandaling mai-post ang piyansa, at posibleng magsampa pa sila ng karagdagang legal na aksyon kaugnay ng kaso.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page