Ninakaw na motor, ipinost sa Facebook, lalaki tiklo

ni Janice Baricuatro @News | September 10, 2026

Photo: PNP General Trias Component City Police Station / FB
Arestado ang isang lalaki matapos umanong i-post sa Facebook na for sale ang motorsiklong ninakaw sa Balayan, Batangas.
Kinilala ang suspek na si Arnold, nasa hustong gulang, ng Brgy. Galicia 2, Mendez, Cavite.
Ang biktima naman ay si Lina, 50, meat vendor at residente ng Brgy. Navotas, Balayan.
Nabatid na nawala ang motor sa garahe noong madaling-araw ng Setyembre 5. Habang hinahanap ito, nakita ng biktima sa Facebook ang post na iniaalok ang kanyang motor.
Nakipagkita siya sa nagbebenta sa Arnaldo Highway, Tropical Village Pabahay 2000, Brgy. San Francisco, General Trias, kung saan isinagawa ang operasyon alas-9:45 ng gabi kamakalawa. Doon na naaresto si Arnold at nabawi ang motor.
Isang menor-de-edad na alyas Jerome, na sinasabing sangkot din sa insidente, ang itinurnover sa CSWDO para sa kaukulang intervention.
Dinala naman sa himpilan ang suspek, motor at iba pang ebidensya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Anti-Fencing Law.





Comments