Nierva, Cagante at Robles, isasabak ng Crossovers
- BULGAR
- May 29, 2023
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | May 29, 2023

Ipinakilala ng Chery Tiggo Crossovers ang bagong tatlong manlalaro mula National University Lady Bulldogs na sina libero Jennifer Nierva, setter Joyme Cagande at collegiate Finals MVP Princess Robles para isalang sa darating na 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference simula Hunyo 29.
Inanunsiyo ng Crossovers ang panibagong karagdagan sa hanay ng mga manlalaro, kung saan unang pinakilala ang 23-anyos na 5-foot-4 libero na si Nierva, habang sunod na inilabas ang setter na si Cagande at ang huli ay si University Athletic Association of the Philippines (UAAP) season 84 Finals best na si Robles.
Naging malaking tulong ang tatlong manlalaro para sa Lady Bulldogs upang lumikha ng kasaysayan noong nagdaang season ng women’s volleyball tournament matapos putulin ang 65-taong pagkagutom sa liga para walisin ang kabuuang torneo patungo sa 16-0 kartada, habang tumapos ang koponan ng runner-up nitong katatapos lang na 85th UAAP laban sa De La Salle University Lady Spikers.
Buwis-buhay na dinadamba at sinasalo ang matinding floor defense ni Nierva upang magawaran itong Best Libero noong 84th season, habang naging kahalili ni Camila Lamina si Cagande pagdating sa playmaking, gayundin ang 25-anyos na power-hitter na si Robles na kapalitan ni Alyssa Solomon sa opposite.
Sa pagtatapos ng collegiate career ng tatlo, nakaabang na ang panibagong yugto sa kanilang buhay sa pagpasok sa professional league, kung saan inaabangan na itong masilayan sa bakuran ng Crossovers para samahan sina 2022 Reinforce Conference MVP Mylene “Mama P” Paat, EJ Laure, Pauline Gaston, at Shaya Adorador.








Comments