Ngayong si Yogi Ruiz na ang customs commissioner, matigil na kaya ang “tara system” at may mahuli na
kayang smuggler sa Adwana?
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 23, 2022
MAPATIGIL KAYA NI COMM. YOGI RUIZ, ANG ‘TARA SYSTEM’ SA ADWANA?—Itinalaga ni Pres. Bongbong Marcos si former Customs-Enforcement and Security Services (ESS) chief Yogi Filemon Ruiz bilang bagong commissioner ng Bureau of Customs (BOC).
Ang tanong: Matigil na kaya ang “tara system” sa mga buwaya sa Customs at may mahuli na kayang smugglers sa Adwana sa panahon ni Comm. Ruiz?
◘◘◘
PARA HINDI TAMAAN ANG MAHIHIRAP SA DAGDAG-TAX, SINGILIN NG BUWIS ANG MGA BILYONARYO—Iminungkahi ni IBON Foundation Executive Director, economist Sonny Africa, na dapat mag-impose ang pamahalaan ng wealth tax sa mahigit 2,900 na mga bilyonaryo sa Pilipinas para makadagdag ng paglikom ng pondong pambayad sa higit P13 trilyong utang-panlabas ng Pilipinas.
Dapat lang, kaysa magpataw ng dagdag-buwis na kabilang sa tatamaan ay mahihirap na mamamayan, mas mainam na patawan ng wealth tax ang mga bilyonaryo sa ‘Pinas.
◘◘◘
NASA SENADO NA, FEELING SHOWBIZ PA RIN SI ROBIN PADILLA—Noong July 12, 2022 ay sinabi ni Sen. Robin Padilla na ngayong senador na siya ang gusto niyang itawag sa kanya ay “Robinhood” — ang “Robinhood” ay hango sa pelikula.
Nitong July 19, 2022 ay sinabi ni Sen. Padilla na sila ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang “Batman and Robin” ng Senado — ang “Batman and Robin” ay hango rin sa pelikula.
Mantakin n’yo, nasa Senado na si Robin bilang senador, pero hanggang ngayon ay “feeling-showbiz” pa rin.
◘◘◘
DIREK LAMANGAN VS. DIREK YAP—Umuusok sa galit si Director Joel Lamangan sa kapwa niya direktor na si Director Darryl Yap dahil sa pelikula nitong “Maid in Malacañang” at ayon kay Direk Lamangan, gagawa rin siya ng pelikulang pangontra sa “Maid in Malacanang” ni Direk Yap.
Ang pelikulang ito ni Direk Yap ay pabor sa pamilya Marcos at kung sakaling matuloy na gumawa ng pelikulang pangontra si Direk Lamangan ay tiyak pabor naman ‘yan sa pamilya Aquino at kapag nangyari ‘yan ay wala na talagang katapusan ang Marcos vs Aquino.





Comments