top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Ngayong panahon ng pandemya, malaking bagay maging ‘Plantito’t Plantita’

BULGAR
Sep 17, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 17, 2021


Marami sa ating mga kababayan ang aburido na sa kasalukuyang sistema dahil sa pandemya at ngayong matapos ang iba’t ibang klase ng quarantine ay alert level naman ang bagong atake ng pamahalaan upang kahit paano ay maibsan ang pag-aalala ng taumbayan.


Ramdam pa rin ang mga paghihigpit sa maraming bagay at lugar, ngunit ang lahat ng ito ay ginagawa ng pamahalaan upang iligtas tayo sa tiyak na kamatayan sukdulang masakripisyo na ang kalalagayan ng ekonomiya ng bansa.


Ngunit ang dating pangambang nararamdaman ng marami nating kababayan ay nadaig na ng pagkabagot kaya marami ang gumawa ng kung anu-ano’ng paraan para maitawid ang pakiramadam na tila bilanggo sa loob mismo ng kani-kanilang tahanan.


Pero alam n’yo ba na sa panahong ito ng pandemya ay mas masayang nairaraos ng mahihilig sa halaman at pagtatanim ang kanilang buong maghapon ng hindi naiinip dahil sa dami ng benepisyo na kanilang napakikinabangan sa kinahihiligang ito ng marami.


Tinatawag nila itong horticultural therapy na isa umanong professional practice gamit ang halaman at pagtatanim upang mapalakas at mapaunlad ang mental at pisikal na kalusugan sa pamamagitan nang interaksiyon sa halaman at mga bulaklak.


Pinatutunayan umano ng siyensiya na ang interaksiyon tulad ng pakikipag-usap at pagkanta sa mga halaman habang inaaruga ang mga ito ay nagdudulot ng napakalaking benepisyo maging sa loob o labas man ito ng tahanan.


Ilan sa benepisyo ng halaman at pagtatanim ay nagbibigay ito ng malakas na pangangatawan dahil nililinis ng mga pananim ang hangin sa kapaligiran na siyang nalalanghap ng nagtatanim bukod pa sa nagdaragdag ito ng pakiramdam na kalmado.


Ito rin ang dahilan kaya maraming mahilig sa halaman ang ipinapasok na sa loob ng kanilang tahanan ang ilan nilang pananim dahil malaking tulong ito para maging malinis ang hangin kahit sa loob ng pamamahay.


Sa panahong ito ng pandemya ay marami sa ating mga kababayan ang mas matagal na nananatili sa loob ng bahay kung saan ang air pollution ay mas mataas ng ilang ulit kumpara sa labas ng bahay na maaaring magdulot ng pananakit ng ulo, pagkahilo, pagkawala sa konsentrasyon at pangangati ng lalamunan.


Dahil sa matagal na pananatili sa bahay ay maraming mga bata at matanda ang hindi na nagkakaroon ng pagkakataong maglaro o mag-ehersisyo na humahantong sa pagkakasakit tulad ng sakit sa puso at depresyon.


Ngunit ang regular na pag-aasikaso sa mga halaman o pagtatanim ay daig pa ang dulot nitong benepisyo kumpara sa isang nag-eehersisyo dahil kailangan ng paulit-ulit na paggalaw tulad ng paglilinis, paglilipat ng paso, pagbubungkal ng lupa at iba pa.


Bukod sa dulot na ehersisyo ay marami ang nagpapatunay na nagbibigay ito ng malaking kasiyahan, lalo na kung kasama umano ang mga bata sa pag-aasikaso ng halaman dahil nadi-develop umano ang kanilang motor skills at overall strength at nalalabanan pa ang childhood obesity.


Alam ba ninyong ang kalahating oras na pag-aasikaso ng mga halaman ay nakasusunog o nakababawas ng 135 calories para sa taong may 125-pound na timbang.


Nakaiengganyo rin umano sa mga nagtatanim ng gulay na kainin mismo ang kanilang produkto, partikular ang mga batang hindi mahilig sa pagkain ng gulay ay natutuwa dahil sa sila mismo ang namitas ng kanilang itinamin kahit sa paso o loob ng kanilang bakuran.


May mga pagamutan na naglalagay ng mga halaman sa loob at labas ng silid dahil malaking tulong umano ito sa paggaling ng pasyente dahil nagdudulot umano ito ng pagbaba ng blood pressure, nakapagpapataas ng pain tolerance, nakapagpapababa ng anxiety at nakawawala ng pagod.


Malaki rin ang psychological benefits ng mahilig sa halaman dahil sa pinagaganda nito ang mood ng tao, 79 porsiyento umano ng napaliligiran ng magagandang bulaklak ay nare-relax at kumakalma, 19 porsiyento naman ay nakararamdam ng pagiging positibo at 25 porsiyento ay lumakas matapos na maglaan ng ilang sandali sa halamanan.


May pag-aaral din na ang mga may karamdaman at mga taong mainit ang ulo at kababaihan na nakatanggap ng bungkos ng bulaklak ay nagkakaroon ng positibong mood sa loob ng tatlong araw at malaking tulong para bumalik ang memorya ng ilang dumaranas ng panandaliang pagkalimot.


Napakarami pa ng mabuting dulot ng paghahalaman at hindi naman pala kailangang may malawak na espasyo ng lupa para maisagawa ito dahil kahit sa mga paso na ang iba ay nakabitin pa ay maaaring magtanim ng halaman.


Kaya nga uso na ang katawagang ‘Plantito at Plantita’ dahil sila itong mahihilig sa halaman at hindi lang basta nalilibang dahil kumikita pa dahil napakarami na nang bumibili ngayon ng halaman.


Mas masarap magtanim para hindi mainip kesa tumunganga maghapon at mag-post nang mag-post ng reklamo sa social media dahil sa nararamdamang pagkainip.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page