Next DepEd Secretary, tiyaking may ‘K’

by Info @Editorial | June 24, 2024

May panawagan ang grupo ng mga titser sa ating gobyerno kaugnay ng pagpapatupad ng komprehensibong pagbabago o reporma sa basic education system ng Pilipinas.
Ang apela ay kasunod ng paglabas ng dalawang magkasunod na pag-aaral kung saan ang mga estudyanteng Pinoy ay nahuhuli umano sa creative thinking kumpara sa iba pang Asian students.
Ang isa pang pag-aaral ay nagsasabing nauubos ang oras ng mga guro dahil sa kanilang napakaraming administrative task at suspension ng mga klase.
Sa inilabas na report ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), nasa pang-76 na puwesto ang Pilipinas mula sa 81 bansa sa buong mundo.
Sinukat dito ang comprehension o pang-unawa ng mga estudyanteng edad 15, batay sa kanilang pagbasa (reading comprehension), mathematics at science.
Kaya panawagan sa pamahalaan, tugunan ang mga nasabing problema. Hindi dapat balewalain ang mga suliraning nakakaapekto sa basic education.
Ganundin ang pangangailangan na magkaroon ng sapat at akmang mga silid-aralan, pasilidad at tamang instructional materials.
Kailangan ding matugunan ang pangangailangan sa teaching at non-teaching personnel. Sa pamamagitan nito, mas makakapagpokus ang mga guro sa pagtuturo.
Batid naman natin na may mga batas nang tutugon sa mga hamon sa edukasyon, kailangan lang maipatupad nang maayos at epektibo.
Kaugnay nito, umaasa tayo na ang maitatalagang bagong kalihim ng Department of Education (DepEd) ay may kakayahang maging lider, ehemplo at nakikita ang tunay na sitwasyon ng edukasyon sa bansa.
Sikapin nating makahabol at huwag hayaang tuluyang mapag-iwanan ang mga kabataang Pinoy, alang-alang sa kanilang kinabukasan.



Comments